Home » Tags
"Hindi natin kailanman mahahanap ang katuturan nitong tila walang katuturang buhay hangga't hindi natin ito bibigyan ng katuturan."

Pangarap

January 10, 2009

Isang malaking turn-off nga naman sa isang tao kung wala siyang pangarap sa buhay. Kung nagpapadala lamang siya ng agos ng tubig, ng hangin, at ng mga nagtutulakang tao at wala siyang sariling kakayahan upang mangarap at magmuni-muni sa kung saan niya nais makarating sa buhay. Alam naman nating kadalasa’y hindi naisasakatuparan ang ating mga pangarap, pero maisasaisip nating maaaring may mangyari pang mas mabuti kaysa sa pinapangarap natin. Ngunit paano naman tayo makakarating sa punto ng pagkaranas ng mga mas mabubuting pangyayaring iyon kung wala tayong mga pangunahing pangarap na mag-uudyok sa ating pumunta sa landas ng butihing kapalarang iyon?

Ang pangarap ay isang mahalagang sandata sa digmaan ng buhay ng isang tao. Kumbaga sa paghahalintulad, maaari itong maihambing sa isang espadang magkabilaan ang talim. Siya ang layunin mong mangyari at gagawin at magagawa mo ang lahat ng sa tingin mo’y nararapat upang makuha mo ang iyong minimithi. At kapag naman napurol ang talim na iyon, dahil sa mga hindi maiiwasang tukso ng buhay, walang magawa ang makapangyarihan mong galamay, maaari pa ring magamit ang kabilang talim, pupuwedeng lumihis ka ng landas at may makikita ka pa ring tagumpay!

Ngunit dahil magkabilaan nga ang talim nito, maaari ring mag-udyok ito sa ikalulugmok mo. At iyon ay mangyayari lamang kung hahayaan mo ito. Nangarap ka nang nangarap at wala namang ginagawa tungkol dito o ang ginagawa mo’y sadya nga namang hindi sapat o di kaya’y hindi sapat ang pagnanais mong maisagawa ang mga pinapangarap mo, lalapit at lalapit sa iyo ang sarili mong sandata’t ikaw pa ang masusugatan ng matigas nitong tirang ang tawag ay panghihinayang.

At tulad din ng lahat ng sandata, isa ring posibilidad ang makapanakit ng kapwa kungkaya’t ingatan mo na ang mga pangarap mo’y hindi nakakapanira ng iba dahil ano pa ang tagumpay ng pagkakamit ng iyong mga pinapangarap kung may mga nasaktan ka naman sa prosesong iyon. Ito’y sandata sa digmaan mo laban sa mga mapanirang laman ng mundong ito sa sarili mo at hindi ito nararapat na gamitin para lamangan ang iba dahil may sarili rin silang mga digmaang nilalabanan.

Ngayon at nakahain ang sandatang ito para gamitin mo, bakit hindi mo pa ito gamitin, hindi ba’t katangahan na ang tumanggi sa ganitong grasya? At kapag hawak mo na ang sandatang iyan, kasama na rin sa babagtasin mo ang pag-unawa at pagtanto sa kung paano ito nararapat at wastong gamitin, sa ikaliligaya mo at ng mga tao sa paligid mo.

 

Posted by kasiyahan at 5:19 am | permalink | Add comment