Home » Tags
"Hindi natin kailanman mahahanap ang katuturan nitong tila walang katuturang buhay hangga't hindi natin ito bibigyan ng katuturan."

Paglalakbay at Kasaysayan

July 20, 2010

  Tunay nga siguro akong mapalad at nabibigyan ako ng pagkakataong maglakbay. Maglakbay sa mga lugar na nasa panaginip lamang nararating mga nakararaming mga tao. 

Nitong nakaraang mga linggo lamang ay nagpunta kami ng dalawa kong matatalik na kabigan sa Roma, punung-lungsod ng Italya. Roma, na dalawang libong taon nang nakalipas ay siyang pinakamalaking emperyo sa daigdig. Ang Roma. Napakasaya ng aming naging paglalakbay. Kasama rin namin ang aming mga kaibigan galing Norway, Austria, Sweden at Italya.

Nalibot namin ang sentro ng Roma kung nasaan ang pagkalaki-laking Coloseo, mga Arko, ang burol ng Palatine, at kung anu-ano pang makasaysayang mga gusali. Narating rin namin ang Vatican. Nakamamangha ang lungsod na ito. Kay lalim ng naging kasaysayan at ang dami rin naming mga natutunan mula sa aming mga paglilibot.

Nakalulungkot nga ring isipin na sa kabila ng pagiging malaking emperyo ng Roma noong panahon, ramdam na ramdam ko sa maikling pamamalagi dito na nawalan na ng kaluluwa ang mga nagtatayugang mga gusali nito. Nabubuhay na lamang sila sa ala-ala’t kasaysayan. 

Hindi rin naman mawawala sa Italya ang pagkain..at sorbetes!! Pagkasarap-sarap! Ang init noong nandoon kami kaya’t maya’t maya ay sorbetes ang palamig namin! Ang pagkain, wala akong masabi! Malasang-malasa.

 Pagkatapos naman ng Italya, ako ay nagpunta sa Sweden para bisitahin ang mga kaibigan ko doon. 

 

Napakagandang lungsod ang Stockholm! Masaya ako´t pumunta ako dito sa magandang bansang ito. Malinis, payapa, masayahin at buhay ang mga tao. Mataas rin ang antas ng pamumuhay at teknolohiya sa bansang ito. Pakiramdam ko, dito magandang tapusin ang kurso ko sa kolehiyo. Na-inspire ako sa bansang itong pagbutihin pa ang pag-aaral ko nang may magawa naman akong mabuti para sa kapaligiran at kalikasan sa ngalan ng teknolohiyang alternatibo.

Tunay nga akong mapalad na nakapaglalakbay ng ganito. At sa pamamagitan nitong blogang ito, ipinamamahagi ko ang kasiyahan ko:)

Posted by kasiyahan at 6:30 am | permalink | Add comment

Bakasyon I

August 11, 2007

  Naku, magi-isang buwan na pala akong hindi nakakapagbloga! (haha, parang hindi ko alam). Ang dami ko ba naman kasing ibang ginagawa, buti ba kung ito lang buhay ko…ewan, simula nung dumating ako galing sa dalawang linggo kong bakasyon, puro trabaho na lang ako na dapat ay hindi ko masyadong gawin kasi kailangan kong mag-aral para sa ‘king hindi pa nauumpisahang EXTENDED ESSAY! Pero ‘wag mabahala, hindi ako magrereklamo dito (hindi po ako ganun kareklamador haha),  ilalahad ko na lang ang mga nangyari sa aking pagkaikli-ikli pero mabusilak na bakasyon. (okey san ko nakuha yung salita na yun?)

‘Nung ika-21 ng Hulyo, pagkatapos ng buong dalawang buwan na pagtatrabaho, pumunta kami ni Ate Kris sa Londres para magbakasyon. Kaming dalawa nga lang, mga paslit na walang kaalam-alam, pero masaya namang nakipagsapalaran! Sa Londres, kitang-kita mo talaga ang pinagkaiba ng Reykjavík. Mas malaki, mas marami ang tao na halos lahat ay nagmamadali, may “the Underground” na wala dito, ibang salita at bukod sa lahat may pagkahaba-habang historya na masasabi sa bawat gusali o kahit na anong makikita mo! Ang sarap “buhayin” ng mga napag-aralan mo sa paaralan, ang sarap tuklasin at ang sarap masiguro (kahit alam mo namang totoo) ang mga alam mo tungkol doon at hindi lamang iyon laman ng mga aklat. Sa Londres, ang dami mong makikita, ang dami mong magagawa tulad nga nung sabi ng isang tao, hindi ko maalala kung sino, “When a man is tired of London, he’s tired of life.” Sumasang-ayon naman ako kahit papaano, dahil kumpara dito na halos mabibilang mo lang ang pwede mong magawa, doon, parang walang hanggan ang mga posibilidad.

Marami-rami rin kaming napuntahan, kami ni ate Kris, nagsightseeing bus kami, marami kaming nakita, pero ang mga gusali talagang pinuntahan namin, ay iilan lang, Tapos sa awa ng Diyos, hindi naman kami nawala, hindi naman ganun kakomplikado yung “tren sa kailaliman” (haha) atsaka kung hindi namin alam kung nasaan kami, may mga taxi naman! haha! At siyempre, hindi mawawala sa bakasyon sa Londres, ang pamimili! Di hamak na kilala ang lungsod na ‘yun sa pamimili, no? At ikinalulungkot kong sabihin, na doon ako naubusan ng datong, dahil sobrang mahal! Hindi po ako ubod ng yaman. Mas mahal nga dito sa Reykjavík, pero mahal din naman doon kaya hindi ko talaga nirerekomenda na mamili doon kasi may ibang mga lungsod din naman diyan na kasing ganda ang mga bilihin pero hindi ganun kamamahal. Ang maganda nga lang sa pamimili doon ay ang mga lugar ng pamilihan. Ang daming ika nga shopping streets na mga “bintahe” ang mga itinitinda At kapag nandun ka, “feel na feel” mo talagang mamili….kahit na sobrang mahal! At ‘yung isa pa nila dung Mall na puwede mo nang ituring na isang museo dahil sa sobrang pagkadetalye ng disenyo.

Bukod pa doon, hindi dapat mawala sa pagbisita doon sa siyudad na iyon ang pagpunta sa tiyatro! Ang dami mong mapapagpilian at masisiguro kang lahat ay magaganda…sa tingin ko. Siyempre din naman, iyon ang dating tirahan ng walang kamatayang Shakespeare. Pero sa kasamaang palad, HINDI kami ni Ate Kris nakapanood ng kahit ano, buwisit. Papanoorin sana naming yung Othello sa bantog na Shakespeare’s Globe pero wala! Hindi namin buwisit na naabutan! Iilang minuto lang siguro kaming nahuli eh, hehe Filipino time, alam niyo na…pero yun, hindi na kami nakabalik kasi huling gabi na naming yun sa Londres eh. Tiyak na babalik ako doon, marami rin ako kasi gusto pang gawin eh tulad ng pagbisita sa mga unibersidad at kung anu-ano pa. Basta sa susunod talaga!:D

At yun, doon natapos ang aming pakikipagsapalaran sa kapital ng Inglaterra.

Pero hindi pa doon nagtatapos ang aking bakasyon dahil mula Londres ay pumunta kami sa Ginebra! Pero doon nga lang, hindi na kami nagi-isa, nandun na mga kasama namin galing dito kasi may YFC – Youth for Christ – Conference kami doon na isusulat k osa susunod na blog.

Iilang litrato nga pala mulang Londres!

 

  

 

  

 

 

Posted by kasiyahan at 7:22 am | permalink | Add comment