Home » Tags
"Hindi natin kailanman mahahanap ang katuturan nitong tila walang katuturang buhay hangga't hindi natin ito bibigyan ng katuturan."

Dito Muli

June 1, 2010

  

Napatagal na rin magmula noong huli akong nagsulat dito. Marami talagang nagbabago. Hindi rin madali ang mabuhay dito sa Islandiya. ang daming nangyayari. Bagsak pa rin naman ang ekonomiya nila, pumutok pa ang bulkang ang pangalan ay hindi mabigkas nang maayos ng mga hindi taga-dito pero ayos pa rin naman ang buhay. Sa katunayan, mas lalo ko pang minahal ang bansang ito.

Sa simula ng aking ikatlong dekada sa mundo, naging masaya at nakakasabik naman ang buhay ko. Ito nga siguro ang panahon na may pagkanakakatakot dahil kung anong desisyon ang gagawin mo sa panahong ito, may malaking impluwensiya iyon sa magiging buhay mo sa hinaharap. 

 Maganda sana ang buhay kung walang pamimilit ang pamayanang makapagtapos ka ng pag-aaral. Nararamdaman ko na isang malaking balakid ang edukasyon sa lubusang pagkilala ng tao sa kanilang mga sarili. Masyadong nabubulang ang mga tao sa paniniwalang ang edukasyon ang siyang magdudulot ng magandang buhay, ngunit ang katotohanang naisasantabi ay para lamang ito na makapaghanapbuhay at kumita ng pera. Ramdam naman nating lahat na hindi nakasentro doon ang buhay ng tao.

 Mas matamis siguro ang buhay kung gagawin talaga ng mga tao ang siyang isinisigaw ng mga puso nila at hindi na iniisip pa ang mapampilit na pag-alala kung may kakainin ka tatlong beses isang araw, at kung ano ang mga susuotin mo. Kung gusto mong kumanta at sumayaw, iyon lamang ang gawin mo at hindi na mag-aksaya pang magtrabaho para sa iba. Kung gusto mong gumuhit, ayon.Kung gusto mong magturo, ayon. Bakit ba kasi kailangang i-limita ng pera ang mga maaari mong gawin.

 Bakit kayo masyadong nakakulong ang mga tao sa maluhong daigdig na ito?  Sana wala na lang naging pamimilit ang pamayanang maging maganda, magkaroon ng palaging magagandang damit, magkaroon ng mataas na pinag-aralan, magkaroon ng limpak-limpak na salapi, magkaroon ng magandang bahay. Bakit kaya ganun?

 Sana nagiging totoo ang mga tao. Sana bukas pag-iisip nila sa ano talaga ang gustong gawin ng mga puso’t isipan nila. Hindi palagi nababatay sa iniisip nilang iniisip ng iba. Maganda sana ang mundo.

 Mga muni-muni ko lang naman iyon.

May tinatawag talagang totoong buhay kaya natural, hindi rin maiiwasan ang pag-iisip ng mga makamundong mga bagay na mga binanggit ko. Pero dapat lang na mas lalamang pa doon ang mga iniisip ng mga tao, ang mga mas importante pang mga bagay.

 Alam mo na iyon, mahal kong mambabasa. Iyong mga bagay na mahahahalaga.

Posted by kasiyahan at 7:58 am | permalink | Add comment