Home » Tags
"Hindi natin kailanman mahahanap ang katuturan nitong tila walang katuturang buhay hangga't hindi natin ito bibigyan ng katuturan."

Hangarin

October 29, 2009

Pangkaraniwang bagay na sa ating mga tao ang humangad ng kung anumang ninanais natin sa buhay. Maaaring makapagtapos ng pag-aaral, yumaman, mapagawa ang pamilya ng bahay, o di kaya nama’y makapagtayo ng sariling paaralan sa sariling bayan. Malimit nating dinarama ang mararamdaman natin sakaling mapasakatuparan ang mga hangarin natin sa buhay. At dahil sa ninanais nating sila’y mangyari, pilit nating ginagawa ang ating mga makakaya ngayon upang makamit ang mga iyon.

 Iba’t ibang tao ang nandirito sa mundo, iba’t ibang klaseng hangarin at paraan upang sila’y magawa, ngunit para sa akin, mahahati lamang itong iba’t ibang uring ito sa dalawang kategorya: ang humangad para sa ikabubuti ng sarili nang hindi iniisip ang iba, kahit matapakan na sila o ang humangad para sa sarili rin AT sa ikabubuti ng iba. Dahil sarili lang talaga natin ang responsibilidad natin, ang pagtingin natin sa iba, kung anong maaaring epekto ang madudulot ng mga kilos natin sa kanila, ang siyang nagbubukod sa mga tao. At ito rin ay kusang pinipili natin, kung anong gusto nating gawin.

Dahil ikaw ay isang taong biniyayaan ng kakayahang mag-isip kung ano ang tama o maling gawi dito sa dalawang kategoryang ito, ikaw ang magpapasya. Isang maliit na punto ngunit napakahalaga ng pag-iisip nito at sa tingin ko ay dapat itong maging isa ring batayan sa mga mahahalagang pagpapasyang gagawin natin sa buhay natin.

Maligayang pamumuhay!:)

Posted by kasiyahan at 4:43 am | permalink | Add comment