Krisis sa Ekonomiya
October 17, 2008HIndi na bago itong paksang ito; nagkalat sa diyaryo, radyo, sa balita sa tv ang nangyayari sa ekonomiya ng buong mundo. Hindi na nakapagtatakang nangyayari ito dahil na rin sa napakarupok na sistema ng ekonomiya ng mga bansa, maging mayayaman man yan o hindi.
Dito sa Europa, ang pinakanatamaan ng krisis na ito ay ang bansang pinamamahayan ko ngayon, Islandiya. Animong mala-paraiso ang bansang ito, mataas ang antas ng pamumuhay ng mga tao, edukado ang nakararami, malinis ang paligid, halos narito na daw ang lahat, pero dahil sa katangahan ng pamamahala ng mga bangko at pati na rin sa pagpaparaya ng gobyerno, napaurong ng husto ang dating lumulusong na bansang ito.
Samu’t sari ang dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya dito, at dahil iba-iba at pagkagulo-gulo ng pagpapaliwanag ng mga kinauukulan tungkol sa krisis na ito, hindi na alam ng mga tao kung anong paniniwalaan. Nakakatakot isiping hindi masosolusyunan ng gobyerno ang problemang ito sa lalong madaling panahon dahil ang takbo ng buhay ng nakararami o di kaya’y lahat ay nakasalalay sa takbo ng mga bangko. Ang masaklap pa eh dahil walang likas na pinagkukunang yaman ang Islandiya maliban sa isda at aluminum, walang mabibiling pagkain ang nasyon na ito mula sa ibang bansa kung magpapatuloy ang krisis na ito.
Pero ang sabi naman ng mga opisyales ng gobyerno ay masosolusyunan ito at hindi kailangang mabahala ng mga tao, pero sa totoo lang kahit sila, wala ring ideya kung paano masosolusyunan ito kung hindi uutang o humingi ng tulong sa ibang bansa. Eh ang ibang mga bansa ay may hinaharap rin namang sariling krisis at kung may tutulong man, hindi mawawala ang mga “hidden agenda.” Ang mga bansa, sa totoo lang, parang napakamakasariling mga bata, wala nang inisip kundi sarili nilang kapakanan, at alam ko na sa krisis na ito, sari-sarilihan ang pakikipaglaban sa kahirapan.
Ang pangit talaga ng sistema nitong mundong ito kahit kailan. Bakit ba kasi kailangan pang gawing sobrang komplikado ang ekonomiya ng mga bansa? Bakit ba kasi kailangang maging ganito ang sistema ng pera? Hindi na natin alam kung anong ibig sabihin ng pera. Naging napakanormal na parte na ng buhay natin ito na nakalimutan na natin kung ano ba talaga ito, o hindi na sa atin pinaintindi kung ano ito. Tapos mabibigla na lang tayo kapag may ganitong krisis na nangyayari na hindi natin maunawa-unawaan kung ano ba talaga ang dahilan.
Kung tutuusin naman leksyon na rin ito sa mga nagyayamanang bansang biglang nasalanta ng krisis na matuto na’t hindi na masyadong maging mapagmahal sa mga makamundong bagay, sa pagpapayaman, sa pera, na hindi naman talaga dapat maging sentro ng mga buhay natin dito sa mundo.


