Home » Tags
"Hindi natin kailanman mahahanap ang katuturan nitong tila walang katuturang buhay hangga't hindi natin ito bibigyan ng katuturan."

Dito Muli

June 1, 2010

  

Napatagal na rin magmula noong huli akong nagsulat dito. Marami talagang nagbabago. Hindi rin madali ang mabuhay dito sa Islandiya. ang daming nangyayari. Bagsak pa rin naman ang ekonomiya nila, pumutok pa ang bulkang ang pangalan ay hindi mabigkas nang maayos ng mga hindi taga-dito pero ayos pa rin naman ang buhay. Sa katunayan, mas lalo ko pang minahal ang bansang ito.

Sa simula ng aking ikatlong dekada sa mundo, naging masaya at nakakasabik naman ang buhay ko. Ito nga siguro ang panahon na may pagkanakakatakot dahil kung anong desisyon ang gagawin mo sa panahong ito, may malaking impluwensiya iyon sa magiging buhay mo sa hinaharap. 

 Maganda sana ang buhay kung walang pamimilit ang pamayanang makapagtapos ka ng pag-aaral. Nararamdaman ko na isang malaking balakid ang edukasyon sa lubusang pagkilala ng tao sa kanilang mga sarili. Masyadong nabubulang ang mga tao sa paniniwalang ang edukasyon ang siyang magdudulot ng magandang buhay, ngunit ang katotohanang naisasantabi ay para lamang ito na makapaghanapbuhay at kumita ng pera. Ramdam naman nating lahat na hindi nakasentro doon ang buhay ng tao.

 Mas matamis siguro ang buhay kung gagawin talaga ng mga tao ang siyang isinisigaw ng mga puso nila at hindi na iniisip pa ang mapampilit na pag-alala kung may kakainin ka tatlong beses isang araw, at kung ano ang mga susuotin mo. Kung gusto mong kumanta at sumayaw, iyon lamang ang gawin mo at hindi na mag-aksaya pang magtrabaho para sa iba. Kung gusto mong gumuhit, ayon.Kung gusto mong magturo, ayon. Bakit ba kasi kailangang i-limita ng pera ang mga maaari mong gawin.

 Bakit kayo masyadong nakakulong ang mga tao sa maluhong daigdig na ito?  Sana wala na lang naging pamimilit ang pamayanang maging maganda, magkaroon ng palaging magagandang damit, magkaroon ng mataas na pinag-aralan, magkaroon ng limpak-limpak na salapi, magkaroon ng magandang bahay. Bakit kaya ganun?

 Sana nagiging totoo ang mga tao. Sana bukas pag-iisip nila sa ano talaga ang gustong gawin ng mga puso’t isipan nila. Hindi palagi nababatay sa iniisip nilang iniisip ng iba. Maganda sana ang mundo.

 Mga muni-muni ko lang naman iyon.

May tinatawag talagang totoong buhay kaya natural, hindi rin maiiwasan ang pag-iisip ng mga makamundong mga bagay na mga binanggit ko. Pero dapat lang na mas lalamang pa doon ang mga iniisip ng mga tao, ang mga mas importante pang mga bagay.

 Alam mo na iyon, mahal kong mambabasa. Iyong mga bagay na mahahahalaga.

Posted by kasiyahan at 7:58 am | permalink | Add comment

Hangarin

October 29, 2009

Pangkaraniwang bagay na sa ating mga tao ang humangad ng kung anumang ninanais natin sa buhay. Maaaring makapagtapos ng pag-aaral, yumaman, mapagawa ang pamilya ng bahay, o di kaya nama’y makapagtayo ng sariling paaralan sa sariling bayan. Malimit nating dinarama ang mararamdaman natin sakaling mapasakatuparan ang mga hangarin natin sa buhay. At dahil sa ninanais nating sila’y mangyari, pilit nating ginagawa ang ating mga makakaya ngayon upang makamit ang mga iyon.

 Iba’t ibang tao ang nandirito sa mundo, iba’t ibang klaseng hangarin at paraan upang sila’y magawa, ngunit para sa akin, mahahati lamang itong iba’t ibang uring ito sa dalawang kategorya: ang humangad para sa ikabubuti ng sarili nang hindi iniisip ang iba, kahit matapakan na sila o ang humangad para sa sarili rin AT sa ikabubuti ng iba. Dahil sarili lang talaga natin ang responsibilidad natin, ang pagtingin natin sa iba, kung anong maaaring epekto ang madudulot ng mga kilos natin sa kanila, ang siyang nagbubukod sa mga tao. At ito rin ay kusang pinipili natin, kung anong gusto nating gawin.

Dahil ikaw ay isang taong biniyayaan ng kakayahang mag-isip kung ano ang tama o maling gawi dito sa dalawang kategoryang ito, ikaw ang magpapasya. Isang maliit na punto ngunit napakahalaga ng pag-iisip nito at sa tingin ko ay dapat itong maging isa ring batayan sa mga mahahalagang pagpapasyang gagawin natin sa buhay natin.

Maligayang pamumuhay!:)

Posted by kasiyahan at 4:43 am | permalink | Add comment

Pangarap

January 10, 2009

Isang malaking turn-off nga naman sa isang tao kung wala siyang pangarap sa buhay. Kung nagpapadala lamang siya ng agos ng tubig, ng hangin, at ng mga nagtutulakang tao at wala siyang sariling kakayahan upang mangarap at magmuni-muni sa kung saan niya nais makarating sa buhay. Alam naman nating kadalasa’y hindi naisasakatuparan ang ating mga pangarap, pero maisasaisip nating maaaring may mangyari pang mas mabuti kaysa sa pinapangarap natin. Ngunit paano naman tayo makakarating sa punto ng pagkaranas ng mga mas mabubuting pangyayaring iyon kung wala tayong mga pangunahing pangarap na mag-uudyok sa ating pumunta sa landas ng butihing kapalarang iyon?

Ang pangarap ay isang mahalagang sandata sa digmaan ng buhay ng isang tao. Kumbaga sa paghahalintulad, maaari itong maihambing sa isang espadang magkabilaan ang talim. Siya ang layunin mong mangyari at gagawin at magagawa mo ang lahat ng sa tingin mo’y nararapat upang makuha mo ang iyong minimithi. At kapag naman napurol ang talim na iyon, dahil sa mga hindi maiiwasang tukso ng buhay, walang magawa ang makapangyarihan mong galamay, maaari pa ring magamit ang kabilang talim, pupuwedeng lumihis ka ng landas at may makikita ka pa ring tagumpay!

Ngunit dahil magkabilaan nga ang talim nito, maaari ring mag-udyok ito sa ikalulugmok mo. At iyon ay mangyayari lamang kung hahayaan mo ito. Nangarap ka nang nangarap at wala namang ginagawa tungkol dito o ang ginagawa mo’y sadya nga namang hindi sapat o di kaya’y hindi sapat ang pagnanais mong maisagawa ang mga pinapangarap mo, lalapit at lalapit sa iyo ang sarili mong sandata’t ikaw pa ang masusugatan ng matigas nitong tirang ang tawag ay panghihinayang.

At tulad din ng lahat ng sandata, isa ring posibilidad ang makapanakit ng kapwa kungkaya’t ingatan mo na ang mga pangarap mo’y hindi nakakapanira ng iba dahil ano pa ang tagumpay ng pagkakamit ng iyong mga pinapangarap kung may mga nasaktan ka naman sa prosesong iyon. Ito’y sandata sa digmaan mo laban sa mga mapanirang laman ng mundong ito sa sarili mo at hindi ito nararapat na gamitin para lamangan ang iba dahil may sarili rin silang mga digmaang nilalabanan.

Ngayon at nakahain ang sandatang ito para gamitin mo, bakit hindi mo pa ito gamitin, hindi ba’t katangahan na ang tumanggi sa ganitong grasya? At kapag hawak mo na ang sandatang iyan, kasama na rin sa babagtasin mo ang pag-unawa at pagtanto sa kung paano ito nararapat at wastong gamitin, sa ikaliligaya mo at ng mga tao sa paligid mo.

 

Posted by kasiyahan at 5:19 am | permalink | Add comment

Taong Dalawang Libo’t Siyam

January 3, 2009

Bagong taon nanaman at panibagong simula nanaman ng pagkahaba-habang taon. Halos lahat na siguro ng mga tao ngayo’y nilista na ang kanilang walang kamatayang mga resolusyon para sa bagong taon kahit iniisip din nila sa kailaliman ng kanilang pag-iisip na hindi rin naman ito maisasakatapuran pero kahit ganoon pa man, patuloy pa rin nila itong pinapangarap na gawin.

Hindi talaga ako ang taong nagpapadala sa agos ng mga nakararaming tao, pero ngayong taong ito, napag-isip ko rin na kahit papaano maglagay ng mga bagay na nararapat kong gawin para naman masaayos na ang buhay ko. Katulad ng nagagawa nitong bilis ng takbo ng panahon sa mga isip ng mga tao, napagtanto ko na tumatanda na ako’t kailangan ko nang pag-isipan kung saang direksyon nais kong patakbuhin itong buhay ko. Marahil ay dumadating naman siguro sa buhay ng lahat ng tao na matanto itong bagay na ito, pera na lang kung likas ka nang walang pakialam sa mundo at naniniwala pa rin sa pambatang pilosopiyang maikli lang ang buhay kungkaya’t magsaya’t magliwaliw ka sa abot ng iyong makakaya. Oo nga’t totoo iyan na maikli lang ang buhay at dapat pahalagahan ang bawat araw na naririto tayo sa mundo, pero kailangan din naman nating malaman kung saan tayo patungo. At sa tingin ko’y nandito na ako sa puntong kita ko na ang mga posibilidad, at nasa akin na lang kung anong tatahakin ko.

 Iyon ang misyon ko para sa taong ito, ang simulan ang paglakad sa napili kong direksyon sa buhay. Hindi ko pa man masisiguro ang bawat detalye sa direksyong ito,  may magiging balakid man at halong tamis din, may mga magkahalong tama at pait ang mararanasan, sa simula pa lang ay tagumpay na para sa akin iyon dahil alam ko na na ako ang pumili nito, at lakas ko iyon.

Maligayang paglalakbay sa inyong lahat ngayong taon na ito!

 

Posted by kasiyahan at 10:59 am | permalink | Add comment

Buhay

November 6, 2008

Malamang darating naman sa buhay ng nakararami ang paglabas sa mundo upang magtrabaho. Bakit nga rin naman ba tayo nag-aaral ngayon, hindi ba para na rin lang makapaghanapbuhay sa hinaharap.

Dito sa Islandiya, maagang nagsisimulang magtrabaho ang mga tao. Mga dalagita’t binatilyo pa lang, may trabaho na, kesyo mga kahero, mga naglilinis at nag-aayos ng mga hardin, naglilinis ng bahay, tumutulong sa mga matatanda o mga bata, basta mga gawaing hindi kinakailangan ng edukasyon pinapasukan na. Ako man, nag-umpisa akong magtrabaho nung labinglimang taong gulang pa lamang ako, at magmula noon, hindi na ako nawalan ng trabaho. Minsan nga dala-dalawa o tatlo-tatlo pa ang trabaho ko, at dumating pa ang panahon na apat trabaho ko. Ganoon ako kasipag!! haha…

Sa pamamagitan nitong pagtatrabaho, kahit mga bata pa tayo at hindi pa talaga nakapagtapos ng pag-aaral, mararamdaman natin ang pagiging independiyente mula sa ating mga magulang nang hindi na tayo umasa pa nang lubos sa kanila. At sa pamamagitan din nito, mas mauunawaan natin na hindi basta-basta ang buhay at kailangan nating kumayod at magpursige upang may makain na masasarap, may bagong damit na maisusuot at may mga luho na mabibili, at para na rin makapag-ipon para sa hinaharap.

Dahil sa pangkaraniwan na nga ang magkatrabaho dito sa Islandiya sa ganitong gulang, at hindi rin naman ganoon kahirap ang makakita ng hanapbuhay basta masipag at matiyaga ka lang, maganda nagiging buhay ng mga tao. Naging maganda rin ang buhay ko at ng pamilya ko kahit papaano.

Ngayon naman, at dinatnan ng malaking krisis ang ekonomiya dito sa Kanluran at sobrang natamaan itong mala paraisong bansang pinamamahayan ko ngayon, hindi ko mapilitang hindi makita ang pagbabago na nangyayari sa sambayanan. Ang mga tao, nabaon na sa mga utang na kahit magtrabaho pa sila buong buhay nila, hindi na nila iyon mababayaran. Mga kompanya dito, nagsisirahan na dahil nabaon na rin sa utang. Mga tindahan at kainan, hindi na kumikita dahil ano na lang ba ang ipambibili ng mga mamamayan? At siyempre dahil dito, marami nang tao ang nawawalan na ng trabaho dahil hindi na masusuportahan ng kompanyang pinagtatrabahuan nila ang kanilang mga tauhan.

Marahil hindi pa talaga nararamdaman ng lahat ng mga mamamayan ang mga pangyayaring ito sa personal na lebel. Oo. laganap na sa balita. pahayagan at sa kahit pang-araw-araw na pakikipagtalastasan itong mga ito, subalit hindi pa rin naman ganoon kadaling matanto ang mga ito kung hindi pa ito nangyayari sa iyo mismo, hindi ba?

Iyon ang sumampal sa akin ngayong araw na ito. Alam ko kung anong nangyayari sa paligid ko ngayon, pero noong natanggap ko ang tawag mula sa may-ari ng kainang pinagtatrabahuan ko kanina, natauhan ako. Wala akong kalasag mula sa krisis na ito. Tinanggal ako sa trabaho. Hindi naman sa tuluyan akong nawalan ng pagkatao dahil doon, cool lang ako, at sa katunayan, matagal ko na rin balak huminto doon dahil marami akong ginagawa sa iskul, iba pa rin ang tama kapag sinabihan kang tinatanggal ka na.

Sa akin lang, ayos lang ako, nag-aaral ako’t nakatira pa ako sa mga magulang ko, pero inisip ko ang ibang mga taong umaasa lamang sa hanapbuhay nila upang patuloy na mabuhay, ang hirap noon. At iyong iba pang ang taas na ng mga pinag-aralan, sa ibang bansa pa nakapagtapos at matataas ang mga posisyon dito, nang dahil lang sa krisis na ito ay nawalan na ng mga trabaho. Pati na rin ang mga Pilipino o kahit sinong mga dayuhan sa bansa, na huminto na sa pag-aaral upang makapagtrabaho at makapagpadala ng pera sa mga naiwang pamilya sa kanilang mga sariling bansa, marahil mapilitan na lamang silang umuwi.

Kahit limang taon pa lamang ang paninirahan ko dito sa Islandiya, napamahal na rin sa akin ang bansang ito. Kahit hindi ko kailanman masasabing ito na ang bansa ko ngayon, hindi ko pa rin maipagkakaila ang kagandahan ng bansa na ito, hindi lamang sa kapaligiran at kalikasan, pati na rin sa mga taong nananahan dito. Tulad nga ng sinabi ko kanina, tila itong munting paraiso sa daigdig. Ang mga tao ay may mabubuting asal, bibihira lang makakita ng matapobreng tao, wala gaanong mga kriminal, at nalulungkot lang akong isipin na ganito ang nangyari sa bansa nila.

Pero nakakapamangha din naman na sa kabila ng mga nangyayari sa bansa nila ngayon, patuloy pa rin ang kanilang pagiging positibo, at makikitang mahal talaga nila ang bansa nila dahil handa silang magtulung-tulungang umahon mula dito sa krisis pangekonomiya na hinaharap nila ngayon. Sa kabila ng pagkakatanggal sa trabaho, heto pa rin sila at handang gumawa ng paraan. Kahit iyong iba ay gusto nang umalis dito, karamihan pa rin sa kanila ay handang iahon ito.

Mula sa pagiging isa sa pinakamayamang bansa sa mundo na sa halos isang linggo lang naging isa na uli sa mga pinakamahihirap, heto hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa. Inisip ko, hindi kaya ito dahil mga bata pa lamang natututo na silang maging independiyente at hindi pala-asa sa iba? O dahil likas na sa kanila ang mahalin ang bansa nila’t hindi tingalain ang iba?

Kahit ano pa man ang dahilan na iyon, sa tingin ko ay may mabuting aral tayong mga Pilipinong matutunan mula dito. Na kahit maging masaklap ang nangyayari sa buong bansa, walang mangyayari kung aasa tayo sa ibang bansa, nasa atin lamang kung gusto nating umahon sa kahirapan. At sa tingin ko ang pagmamahal sa ating bansa at pagtutulungan upang maisagawa ang dapat na gawin ay mga pangunahing sangkap upang maisakatuparan kung ano man ang minimithi ng buong bayan.

 

Posted by kasiyahan at 11:42 pm | permalink | Add comment

Pagtanto

October 5, 2008

Likas man tayong mga taong magkakaiba, maibubukod sa iba dahil sa ating angking kaespesyalan at kaibahan, hindi pa rin maipagkakaila ang ating pagkakatulad. Sa pinakasimpleng bagay na pagpapanganak sa mundong ito, hanggang sa ating paglaki, pare-pareho tayo.

Lahat tayo dumaan sa pagiging bata, wala naman sa ating pinanganak at alam na kung ano ang katotohanan ng mundong ito, ‘di ba? Lahat tayo dinaanan ang panahon ng pagiging inosente at walang kamuwang-muwang hanggang sa mapagtanto natin kung ano pala ang katotohanan na ating ginagalawan. Katotohanang ang kagandahan ay hindi maipagmamalaki, iyan ang gugulantang sa atin sa iglap na mabuksan na ang ating mga isipan.

Noong bata pa lamang tayo, maliit ang mundong ginagalawan natin. Ang buhay natin ay nakasentro lamang sa loob ng pamilya, sa paaralan, sa mga kalaro’t kaibigan, sa madistansiyang pangangarap ng ninanaais namaging sa hinaharap. Oo nga’t alam natin na mas malaki pa ang mundo kaysa sa mga pinag-uukulan natin ng buong atensyon noon ngunit dahil hindi nga natin iyon mas nabibigyang pansin, hindi rin natin ito masyadong iniisip. Hanggang sa magkaroon na nga tayo ng gulang at mas lumaki’t lumawak na ang nakikita natin, magugulantang na lang tayong isiping ganito pala talaga ang buhay.

Noong bata pa lang tayo, hindi nating maiwasang isiping tayo ang sentro ng mundo, na ang mga problema natin ay ang problema na ng mundo, wala tayong bukal sa loob na pagbigay-simpatiya sa problema ng ibang mga tao dahil masyado nating iniisip ang sarili lang natin. Siguro nga rin ay itong pag-iisip na ito ay hindi na mawawala sa ating mga tao dahil kung tutuusin, lahat na bagay na gawin natin may makasariling aspeto. 

Pero kahit pa lahat ng ito ay may makasariling aspeto, likas na sa pagtanda natin ang pagkita at pagtangkilik, kahit hindi kadalasan, ng punto ng ibang mga tao at ng mga interaksyon nila kungkaya’t sa ganitong paraan mas nailalagay natin ang sarili nating mga buhay sa conteksto ng buhay sa mundong ito sa pangkalahatang salita. Kahit hindi ito kasing ganda ng mga ideya natin noong mga bata pa lamang tayo, tayo na rin ang makakapagtakda kung paano natin ito titingnan at bubuhayin. Tutal nasa atin lang din naman ang huling desisyon kung anong gusto nating mangyari sa buhay natin.

 

 

Posted by kasiyahan at 11:57 pm | permalink | Add comment

Kulay

September 28, 2008

 Sa isang iglap, maganda ang lahat,

Sa isang pikit din, kapangita’y matatanaw.

Kay bilis nga naman maglaho ng mga bagay,

Kay bilis nga namang magbago ng kulay ng buhay.

Mga kulay na pinaghalu-halo, pinagkumpul-kumpol, pinaghiwa-hiwalay.

Walang tiyak na layuning parikitin o palugmukin.

Ngunit ang diwa’y magkaroon ng iba’t ibang mga kulay

Upang magkaroon ng pag-asang gumanda kahit kadalasan rin nama’y hindi gumagana.

At sa pagkakaroon ng libu-libong pagkakataong pumalad o magdusang walang humpay,

Kamay mo na rin lang ang magsasabi kung tutugma ang iyong mga kulay.

Subalit dahil ang isipa’y hindi nahihimlay sa iyong mga galamay,

Na sa iyo na rin kung paano mo tatanggapin ang mga panunukso ng buhay

Na dulot rin naman ng iyong mga kamay.

 

 

Posted by kasiyahan at 8:58 pm | permalink | comments[3]

Muni-muni ng isang binibini

September 13, 2008

Sa wakas, nakatungtong na rin ako sa unibersidad. Tatlong linggo pa lang ako dito ay ramdam na ramdam ko na ang kaibahan nito at ng paaralang nakagasnan ko. Wala nang mga batang-isip na biruan, wala nang mga mukhang ewang hiyawan, wala nang nakakapangulilang tawanan. Lahat na ay seryoso sa pag-aaral at ang tila natatanging paraan ng pakikipagsosyalan ay palaging may halong kapormalan. Nakakapanibago talaga ang kapaligiran kapag nakatungtong na sa lebel ng edukasyon na ito.

Sa aking pagmumuni-muni tungkol sa katotohanang nandirito na ako na nakalantad na sa harapan ko, hindi ko maiwasang mabiglang darating at darating tayong mga tao sa punto ng buhay natin kung saan tayo na ang may hawak ng buhay natin, na nasa atin na ang desisyon kung anong daan ang tatahakin natin, may magsabi man diyang iba kung ano ang dapat nating gawin, nasa atin pa rin ang huling salita at tayo lang ang makakapagsabi kung anong gagawin natin. Kumbaga malaya na tayong magtagumpay o mabigo at tayo lang ang may dala ng sarili natin, responsibilidad na natin ang ating mga gagawin. 

Nakakalula ang mga maaaring mangyari kapag naabot na ang puntong nakikita mo na ang mga posibilidad na hawak ng sarili mong mga kamay. Nakakabighani ang paniniwalang nalalapit nang makamtan ang mga noon pa ma’y naging mga pangarap na ngunit nakakalungkot din namang isipin na maaaring wala sa kanila ang mangyari.  Napakasarap isipin na malaya na tayong gawin ang mga tunay nating ninanais na gawin subalit nakakapagpabagabag rin namang isiping ang kalayaang ito ang maaaring magdulot sa atin ng kapahamakan.

Sa madaling salita, itong panahong ito ay napupuno ng pag-asa at pagduda, ng walang hanggang kawalan ng kasiguruhan kahit pa iba-iba ang pag-iisip ng mga tao tungkol dito sa punto ng buhay na ito. Mayroon mang iba diyan na alam na alam talaga kung anong gagawin nila sa hinaharap, halimbawa maging isang duktor, magkakaroon at magkakaroon ng mga balakid na maaaring tumaliwas sa daanang ninanais na tahakin o di kaya’y magpalakas pa sa pagnanais na ituloy ang pagdaan sa ginugustong daanan. Mayroon din naman diyang iba na wala talagang alam kung anong daan ang gustong puntahan, at kailangan munang masubukan ang maraming daan bago mabuo ang isipang dumaan sa ano mang napusuang daan. 

Magulo nga namang tunay ang puntong ito.

Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang dapat ikatakot sa puntong ito. Wala namang maling daan. Iisa lang naman ang buhay natin kungkaya’t iisang daan lang naman ang tatahakin natin at hindi naman natin kailangang manghinayang sa mga daang hindi natin nadaanan o kailanma’y madadaanan. Ang mahalaga lamang talaga sa puntong ito ay ang maunawaang lubos ang tunay nating kagustuhan nang sa ganoon ay makamtan natin ang kaligayahan sa kahit anumang landas na pinili nating tahakin.  

Posted by kasiyahan at 8:16 am | permalink | Add comment

Itapon o itago?

August 27, 2008

Isa na siguro ako sa milyun-milyong kabataan sa mundong ito na hindi mo malaman kung ano talaga ang gusto o ika nga, hindi makapagdesisyon-desisyon. Noong isang araw, dahil magpapasukan na rin at gusto kong maaliwalas ang kapaligiran nitong aking maliit na kuwarto, naglinis ako. Hindi lang ordinaryong paglilinis ito dahil dahil sa nagtapos na ako ng sekundaryang paaralan at patungo na ako sa unibersidad, ang dami kong dapat iligpit mula sa nakalipas na taon na kahit hindi naman ganoon kanais-nais ay tila napamahal na rin sa akin. At kasama na rin doon sa mga iniligpit ko na iyon na gamit ko noon sa eskuwela, ay napagpasyahan ko na ring iligpit ang mga damit at mga gamit na may kalumaan na, na sa isang yugto ng buhay ko ay naging mahalaga sa akin, ngunit dahil patuloy na dumadaloy ang buhay at mga bago ay dumadating, nawawala na rin ang kanilang dating. 

Ayaw na ayaw ko ang magtapon ng mga bagay lalong-lalo na iyong mga iyon na alam kong magagamit pa, pero ang liit talaga ng kuwarto ko, hindi ko mapagkasya ang lahat, at isa pa, alam kong hindi ko na rin sila magagamit kaya wala rin. Naisipan ko na itago na lamang sila sa bodega. Noong nalinis ko na nga ang lahat at nailagay ko na sila sa mga supot at nang ilalagay ko na ang mga supot na iyon sa bodega, napansin ko na may iilang supot at kariton na pala akong nailagay sa bodega namin, mga mas luma ko pang mga gamit na itinago ko doon dahil ayaw ko rin silang itapon mga tatlong taon na rin ang nakakalipas. Totoo ngang may iilang bagay ako na kahit anong gawin ko ay hindi ko sila maitapon-tapon pagkat sila’y napakahalaga pero ang napansin ko, iyong mga tinago ko sa bodega tatlong taon na ang nakakalipas ay mga bagay na noon ma’y naging mahalaga sa aki’t wala akong balak itapon ay ngayo’y wala na talaga akong pakialam kung itapon man sila o hindi. 

Napaisip ako. Ganoon na lang ba kadali iyon?

Kahit siguro sinong tao, may mga gamit silang pinapahalagahan. Mga gamit na napagsasaya sa kanila, nagpapaalala sa kanila ng mga sandaling masarap alalahanin at dahil ang mga gamit na iyon ay konektado sa mga alaalang iyon, ayaw nilang mawala ang mga gamit na iyon dahil ang mga alaala ay baka mawala. Pero sa paglipas ng panahon, ang ating koneksyon sa mga gamit na iyon ay unti-unting naglalaho kungkaya’t nagiging mas madali silang palayain.  Tunay nga bang natatabangan ng panahon ang ating pagkakaugnay sa mga bagay, ang ating nararamdaman para sa kanila?

Sa init ng panahon, hindi natin mawari ang ating buhay ng wala ang mga iyon. Naging importante silang parte ng ating mumunting buhay. At dahil sa mga hindi maiiwasang pangyayari o dahil na rin sa tuloy-tuloy na takbo natin sa karera ng buhay, hindi natin maiiwasang lumayo sa mga yaong naging mahalaga sa atin. Kailangan nating pumunta sa mga pupuntahan natin at sila sa kanila. Masakit man sa umpisa, pero dahil dadahan-dahanin, itatago muna nang kumupas nang unti-unti ang mga alaala, dagdagan mo pa ng panahon na siyang magpapalabnaw nito, magiging handa ka na ring kumawalas sa takdang panahon.

Ibinigay ko itong kagamitang ito sa Red Cross.

 

Posted by kasiyahan at 12:40 am | permalink | comments[1]

Kahirapan ng Buhay

July 3, 2008

Isa na siguro sa mga bagay na naranasan na nating lahat, maging sino ka man, nasa silangan man o kanluran, mayaman man o mahirap, matanda man o bata, ay ang paghihirap sa pangkalahatang salita, hindi lamang sa salapi. Lahat tayo nakaranas nang maghirap isa, dalawa, o maraming beses sa buhay natin. Mapalad ka na lang talaga kung hindi pa, o tunay mo nga lang talagang nasanay lokohin ang sarili mong pag-iisip, na hindi rin naman masama. 

Bakit ko namang naisipang magsulat tungkol sa paghihirap? Marahil dahil na ito sa kalagayan ng daigdig natin ngayon. Grabe, hindi na talaga maganda ito, mga ekonomiya patuloy na bumabagsak, mga sakunang lubos sa pagkapus-palad, halaga ng gasolina at lahat na ng mga bilihan patuloy-tuloy ang pagtaas, mga taong naghihirap, gumagapang sa kahirapan ng buhay, taong may mga sakit, taong hindi makakain nang matino o makainom ng malinis na tubig, suliranin sa pamilya, sa pag-aaral, sa pag-ibig, sa pagkatao, sa katawan, lahat na! Ano na nga ba talaga ang nangyayari sa mundo?

Mahirap siguro talagang isipin at hakain kung gaano kahirap ang dinaranas ng nakararaming mga tao hangga’t hindi mo nasubukang tumayo sa kinatatayuan nila, lalong-lalo na kung pinagpala kang lumaki sa mabuting pamilya, pero hindi mo pa rin maitatanggi sa iyong isipan ang malubhang katayuan nitong mga taong ito. 

Eh ang walang-katapusang tanong, tayo ba ang may kasalanan kaya’t ganito ang mga nangyayari sa buhay natin? Tayo ba ang nanghihikayat nitong mga negatibong sitwasyon papasok sa buhay natin? O tayo lang ba ang mga tangang walang ginawa kundi maghintay ng himala’t mabago nang bigla ang mga buhay natin  sa halip na mag-isip kung paano maisasatuwid ang mga baluktot nating mga buhay at pagtiyagaan na gawin ito kahit na’t magiging matagal at mahirap? 

Oo nga’t may mga bagay na hindi rin talaga nating maiiwasang mangyari sa atin, pero nasa atin lang kung paano natin haharapin itong mga hindi maiwasang mga bagay na ito. At kung paano natin gagawin ito nang hindi umaasa sa iba. Totoo, maganda ang pagtutulungan pero harapin naman natin ang katotohanan: ang mga tao nabubuhay lamang para sa sarili lamang, para umasenso, kailangan muna nating tulungan ang ating mga sarili, pagkatapos kung kaya natin, na talaga namang makakaya natin, matutulungan natin ang iba. Kasi naman, kung lahat ay naghihirap, eh paano naman makakapagtulungan, kahit man sabihin ng iba diyan na mas magiging madali ang mga bagay kung magtutulung-tulungan, eh ang mga tao nga, iniisip lang talaga niyan kung paano maiaahon ang mga SARILI nila muna, ayun ang unang-una nilang priyoridad, palaging iyon muna bago ang iba. Mayroon man diyang ibang makabayaning uunahin ang iba, pero iilan lang talaga ang mga  iyon, at ang mangyayari, lulubog na lang sila sa kumunoy habang ang iba ay pilit silang ginagamit bilang patungan. Isang pangit na bagay ngunit iyan ang katotohanan.

Kaya mga tao, kung naghihirap man kayo, huwag nang ipaasa ang tulong sa iba, lahat ng tao nagdurusa, hindi lang ikaw! Sa buhay dito sa mundo, ang sarili mo lang ang hawak mo, ikaw may hawak ng kapalaran mo, at kung hindi ka magpupursige, ikaw rin ang malulugi. Ang mabuhay ay parang pagtakbo, hindi ka makakarating sa paroroonan mo hangga’t hindi mo gagamitin ang sarili mong mga paa upang tumakbo. May posibilidad mang may mag-aakay sayo, o may magtutulak sa iyo, pero na sa iyo na rin kung gagamitin mo ang oras mong maghintay para sa isang bagay na walang katiyakan, o talagang pipilitin mong tumayo at tumakbo sa kabila ng mga galos at hinagpi na naranasan, dinaranas at mararanasan mo. 

 

  

Posted by kasiyahan at 5:39 am | permalink | comments[14]

Tadhana

June 5, 2008

Grabe, ang tagal ko na palang hindi nakakapagsulat dito sa pinakamamahal kong bloga. Paano ba naman, ang daming nangyari noong buwan ng Mayo. Unang-una, ang aming huling pagsusulit. Labing-walo ang mga pagsusulit na kinuha ko at sa awa ng Diyos, natapos ko na namang lahat at okey rin naman ako sa kanila. Pangalawa, tinapos namin, ako nga lang halos lahat ang gumawa talaga eh, ang aming aklat ng buong klase o yearbook sa Ingles. Sa awa rin ng Diyos, natapos namin iyon at naibigay namin sa mga kaklase sa tamang oras. Sunod naman, ang aking araw ng Pagtatapos. Sa totoo lang, ayaw ko talagang maghanda kami, pero iyon, nagrenta mga magulang ko ng lugar para lang sa handaan at siyempre para naman hindi maboringan ang mga bisita, kinailangan naming gumawa ng maikling programa. Hay, mas ninerbiyos pa nga yata ako sa handaan na iyon kaysa sa mismong mga pagsusulit ko eh. Pero sa awa nga rin naman ng Diyos, naging maayos naman ang lahat at natutuwa ako’t ginawa nga namin iyon, kasi napakasaya talaga! Tapos pagkatapos naman ng lahat, pumunta kaming mga kaklase ko sa Dublin, punong-lungsod ng Irlandiya. Mga isang linggo kami doon, at masasabi ko sa inyo…SOBRANG SAYA! Iyon na nga yata ang pinakamasayang linggo na dinanas ko dito sa mundong ito. Ang dami naming nakita, at ang maganda pa noon, mga legal kami doon at kahit saang lugar pupuwede kaming pumasok at bumili rin ng alkohol…isang bagay na hindi pa namin magagawa dito sa Islandiya kung saan kailangan mahigit dalawampung taong gulang kami.

Grabe, ang saya talaga. Pero siguro nga’t sa bawat saya na daranasin natin ay may halong sakit at pagdududa. Maaaring iyon nga dapat na mangyari o isa lamang iyong tukso ng tadhana. Hindi ko pa alam. Pero ang alam ko eh tunay ako at mga kaibigan ko na nagsaya! Hindi ko talaga makakalimutan itong paglalakbay na ito…isa na siyang mahalagang bahagi ng munti kong buhay…

At ngayon naman na nagbalik na ako ng Islandiya, balik na naman ako sa katotohanan ng buhay. Kakasimula ko lang sa bago kong trabaho noong isang araw, at sa awa ng Diyos, kanais-nais naman siya. Ang dami kong gustong gawin ngayong bakasyon, ngayong panahon ng tag-init, kailangan kong magtrabaho nang husto para makapag-ipon ako nang makauwi na ng Pinas, maghanda para sa nalalapit na Konperensiya ng YFC sa Slovenia, maghanda para sa paghahandaaan para sa aking magiging hanapbuhay sa hinaharap, ayusin ang aking pag-iisip, magpinta!!, magbasa, magsaya, magmahal…

Ang dami…at kakayanin ko ‘to:)

 

Posted by kasiyahan at 10:34 pm | permalink | Add comment

Buhay Yelo

March 12, 2008

Pagkabilis-bilis talaga ng panahon. Akalain mo, ika-labindalawa na ng Marso! Anong nangyayari sa mundo?

Ubo, ubo, medyo marami yata nangyari sa buhay ko sa dalawang linggo na pagkawala ko dito sa pahinang ito. Pero huwag mag-alala, magbibigay naman ako ngayon ng mga ilang detalye tungkol sa buhay-buhay ko dito, palagi ko na lang kasi itong iniiwasan. :D :D

 Una sa lahat, NATAPOS KO NA LAHAT NG MGA PROYEKTO KO! O ang kaligayahan! Napasa ko na mga naglalakihan kong sanaysay, mga pagkahaba-haba at pagkarami-rami kong mga pag-uulat, natapos ko na lahat kong dapat basahin, at higit sa lahat. tapos ko na rin ang aking ni-rekord na komentaryo para sa literatura!

Kaligayahan.

Mayroon pa nga lang na isang nalalabi bukod sa pagsusulit namin ngayong Mayo, at iyon ang aking exámen oral para sa espanyol. Pero sisiw na lang iyon, makakapagbasa na rin ako para sa pagsusulit namin! Yehey!

 Tungkol naman sa panahon dito sa batong yelong kasalukuyan kong pinamamahayan, pambihirang lamig ang dinaranas namin ngayon! Buwisit. Hindi naman ganito dati. Ilang MILENYO na kayang may yelo sa lupa dito, buwisit. Kahit tagsibol na’t kitang-kita ang araw, buwisit na may nyebe pa rin! Haaay. Pero maganda rin naman siyang tingnan kaya okey na rin lang siguro. Pero kahit na! Ah ewan, mayroon akong halong pakiramdam para sa klima (kung may tinatawag kang klima dito sa Islandia sapagkat pabago-bago-bago-bago-bago ang panahon). Ang mahihiling ko nga lang siguro ay sana bago uminit na ng husto para sa darating na tag-init, sana lumamig muna nang pagkalamig-lamig, para lumabas uli ang aurora borealis  at naggagandahang ulap polar kasi ang ganda talaga nila!!:D:D hehe, nung huli kasi silang lumabas, kung anu-ano ang pinagkakaabalahan ko kungkaya’t hindi ko talaga sila natingnan nang husto.

Pero tama na ang panahon, tungkol naman sa aking buhay personal, ano nga bang masasabi tungkol doon? Ahem. Nagsasaya lang siguro ako ngayon dahil ……….!!!! Haha wala lang:D:D Masaya lang ako. Sana maging maganda ito!

Ang dami ko rin palang pinaggagagawa nitong mga nakaraang wikend. Wala lang. haha, Sa susunod na lang siguro kong blog ko iyon isusulat.

Kahit ngayong araw na ito, mayroon din akong mahalagang ginawa. Napakahalaga’t ihuhugis nito ang aking hinaharap. Sa susunod na lang uli iyon na blog.

Ay, para tapusin itong blog na ito, mayroon pa akong isang masasabi, NASIRA SASAKYAN KO! :(

Paano ba naman, natanggal ang tambutso nang hindi ko namalayan.Nakakatawa nga’t noong nangyari iyon, hindi ko talaga akalaing may mangyayaring ganoon dahil papunta ako noon sa pagpupulong para sa YFC. Ang nangyari, huminto lang ako sa pula na ilaw diba, noong umandar na ulit ako, narinig ko iyong napakalakas na tunog ng makina. Iyong tunog ng mga sasakyang pangkarera. Tapos iyon, sabi ko sa sarili ko, "ang lakas naman ng makina ng kotse sa tabi ko," "at nararamdaman ko pa!" Tapos noong mapansin ko na nauna na iyong sasakyan sa tabi ko at naririnig ko pa rin ang tunog, nalaman ko na lang na nanggagaling pala iyong tunog sa sasakyan ko! Ang wiiiiird!

Malay ko ba! Tapos tawa lang ako nang tawa kasi naman ang liit-liit at pagkainose-inosente ng sasakyan ko tapos ang biyolente ng tunog!! Hahahaha!

Hanggang ngayon, hindi pa rin naaayos sasakyan ko:(

Hay naku, papaayusin ko na ’to, hindi ito pupuwede!

Pero kahit papaano masaya rin namang mag-bus pero nakakainis maghintay, at sa ganitong LAMIG? NakakaBADTRIP!

 Haay….pero ganyan talaga ang buhay.

Ang Buhay Yelo!

 

 

 

Posted by kasiyahan at 12:55 am | permalink | Add comment

Pagtanglaw

April 20, 2007

 Buhay. Ano nga ba ang buhay? Bakit ganito, bakit ganyan? Palagi na lang ganito bakit hindi kailanman naging

ganyan? Ang gulo ng buhay. Walang katiyakan nga naman. Ang buhay parang isang laro lamang, yun nga

lang hindi mo alam kung anong layunin ng larong ito. Hindi mo alam ang katuturan. Eh ang tanong

may katuturan nga ba ito? Mamamatay rin lang naman tayo hindi ba? Kaya anong silbi

ng lahat ng paghihirap na dinaranas natin? Lahat ng sipag at tiyaga natin para

sa isang bagay, para saan iyon kung matatapos rin lang naman

ang lahat ng ito? Anong silbi ko sa mundo?

Ano nga ba? Ang tanong, may mundo

nga ba? Totoo ba ang lahat

ng nakikita natin?

Hindi mo alam.

Eh alam mo nga ba talaga ang mga bagay na iniisip mo na alam mo? O hindi? Paano mo naman malalaman, o

hindi malalaman ang mga bagay-bagay kung hindi mo alam kung paano mo sila nalalaman? Ang gulo, no.

Kaya masasabi ko lang, tama na ang buwisit na pilosopiya at mabuhay ng normal sa awa ng Diyos,

mga tao. Hindi naman kasi natin kailangang tanungin lahat ng mga walang maka-

buluhang bagay dahil kailangan lang nating mabuhay at maniwala.

Hindi natin kailangang maging skeptikal sa lahat-lahat

kasi wala rin namang kahihinatnan iyan.

May masama nga lang na

naidudulot, at

ano iyon?

Kalungkutan.

At sino namang gustong maging malungkot?

Edi wala kaya mga tao, mabuhay nang mapayapa mula sa katanungan at pag-iisip

na skeptikal at magsimulang maging rasyonal. Sapagkat iisa lang ang buhay natin. At

kailangan natin iyong gamitin at palaguin sa mga mas makabuluhang bagay….dito sa ating

kinaugaliang mundo. Wala pa tayo sa kabila, huwag na muna nating alalahanin iyon. Tsaka na pag

nandoon na tayo. Mabuhay!

-Shaira

 

 

Posted by kasiyahan at 2:52 am | permalink | comments[2]