Home » Post Item » Taong Dalawang Libo’t Siyam
"Hindi natin kailanman mahahanap ang katuturan nitong tila walang katuturang buhay hangga't hindi natin ito bibigyan ng katuturan."

Taong Dalawang Libo’t Siyam

January 3, 2009

Bagong taon nanaman at panibagong simula nanaman ng pagkahaba-habang taon. Halos lahat na siguro ng mga tao ngayo’y nilista na ang kanilang walang kamatayang mga resolusyon para sa bagong taon kahit iniisip din nila sa kailaliman ng kanilang pag-iisip na hindi rin naman ito maisasakatapuran pero kahit ganoon pa man, patuloy pa rin nila itong pinapangarap na gawin.

Hindi talaga ako ang taong nagpapadala sa agos ng mga nakararaming tao, pero ngayong taong ito, napag-isip ko rin na kahit papaano maglagay ng mga bagay na nararapat kong gawin para naman masaayos na ang buhay ko. Katulad ng nagagawa nitong bilis ng takbo ng panahon sa mga isip ng mga tao, napagtanto ko na tumatanda na ako’t kailangan ko nang pag-isipan kung saang direksyon nais kong patakbuhin itong buhay ko. Marahil ay dumadating naman siguro sa buhay ng lahat ng tao na matanto itong bagay na ito, pera na lang kung likas ka nang walang pakialam sa mundo at naniniwala pa rin sa pambatang pilosopiyang maikli lang ang buhay kungkaya’t magsaya’t magliwaliw ka sa abot ng iyong makakaya. Oo nga’t totoo iyan na maikli lang ang buhay at dapat pahalagahan ang bawat araw na naririto tayo sa mundo, pero kailangan din naman nating malaman kung saan tayo patungo. At sa tingin ko’y nandito na ako sa puntong kita ko na ang mga posibilidad, at nasa akin na lang kung anong tatahakin ko.

 Iyon ang misyon ko para sa taong ito, ang simulan ang paglakad sa napili kong direksyon sa buhay. Hindi ko pa man masisiguro ang bawat detalye sa direksyong ito,  may magiging balakid man at halong tamis din, may mga magkahalong tama at pait ang mararanasan, sa simula pa lang ay tagumpay na para sa akin iyon dahil alam ko na na ako ang pumili nito, at lakas ko iyon.

Maligayang paglalakbay sa inyong lahat ngayong taon na ito!

 

Posted by kasiyahan at 10:59 am | permalink

Add a comment