Home » Post Item » Buhay
"Hindi natin kailanman mahahanap ang katuturan nitong tila walang katuturang buhay hangga't hindi natin ito bibigyan ng katuturan."

Buhay

November 6, 2008

Malamang darating naman sa buhay ng nakararami ang paglabas sa mundo upang magtrabaho. Bakit nga rin naman ba tayo nag-aaral ngayon, hindi ba para na rin lang makapaghanapbuhay sa hinaharap.

Dito sa Islandiya, maagang nagsisimulang magtrabaho ang mga tao. Mga dalagita’t binatilyo pa lang, may trabaho na, kesyo mga kahero, mga naglilinis at nag-aayos ng mga hardin, naglilinis ng bahay, tumutulong sa mga matatanda o mga bata, basta mga gawaing hindi kinakailangan ng edukasyon pinapasukan na. Ako man, nag-umpisa akong magtrabaho nung labinglimang taong gulang pa lamang ako, at magmula noon, hindi na ako nawalan ng trabaho. Minsan nga dala-dalawa o tatlo-tatlo pa ang trabaho ko, at dumating pa ang panahon na apat trabaho ko. Ganoon ako kasipag!! haha…

Sa pamamagitan nitong pagtatrabaho, kahit mga bata pa tayo at hindi pa talaga nakapagtapos ng pag-aaral, mararamdaman natin ang pagiging independiyente mula sa ating mga magulang nang hindi na tayo umasa pa nang lubos sa kanila. At sa pamamagitan din nito, mas mauunawaan natin na hindi basta-basta ang buhay at kailangan nating kumayod at magpursige upang may makain na masasarap, may bagong damit na maisusuot at may mga luho na mabibili, at para na rin makapag-ipon para sa hinaharap.

Dahil sa pangkaraniwan na nga ang magkatrabaho dito sa Islandiya sa ganitong gulang, at hindi rin naman ganoon kahirap ang makakita ng hanapbuhay basta masipag at matiyaga ka lang, maganda nagiging buhay ng mga tao. Naging maganda rin ang buhay ko at ng pamilya ko kahit papaano.

Ngayon naman, at dinatnan ng malaking krisis ang ekonomiya dito sa Kanluran at sobrang natamaan itong mala paraisong bansang pinamamahayan ko ngayon, hindi ko mapilitang hindi makita ang pagbabago na nangyayari sa sambayanan. Ang mga tao, nabaon na sa mga utang na kahit magtrabaho pa sila buong buhay nila, hindi na nila iyon mababayaran. Mga kompanya dito, nagsisirahan na dahil nabaon na rin sa utang. Mga tindahan at kainan, hindi na kumikita dahil ano na lang ba ang ipambibili ng mga mamamayan? At siyempre dahil dito, marami nang tao ang nawawalan na ng trabaho dahil hindi na masusuportahan ng kompanyang pinagtatrabahuan nila ang kanilang mga tauhan.

Marahil hindi pa talaga nararamdaman ng lahat ng mga mamamayan ang mga pangyayaring ito sa personal na lebel. Oo. laganap na sa balita. pahayagan at sa kahit pang-araw-araw na pakikipagtalastasan itong mga ito, subalit hindi pa rin naman ganoon kadaling matanto ang mga ito kung hindi pa ito nangyayari sa iyo mismo, hindi ba?

Iyon ang sumampal sa akin ngayong araw na ito. Alam ko kung anong nangyayari sa paligid ko ngayon, pero noong natanggap ko ang tawag mula sa may-ari ng kainang pinagtatrabahuan ko kanina, natauhan ako. Wala akong kalasag mula sa krisis na ito. Tinanggal ako sa trabaho. Hindi naman sa tuluyan akong nawalan ng pagkatao dahil doon, cool lang ako, at sa katunayan, matagal ko na rin balak huminto doon dahil marami akong ginagawa sa iskul, iba pa rin ang tama kapag sinabihan kang tinatanggal ka na.

Sa akin lang, ayos lang ako, nag-aaral ako’t nakatira pa ako sa mga magulang ko, pero inisip ko ang ibang mga taong umaasa lamang sa hanapbuhay nila upang patuloy na mabuhay, ang hirap noon. At iyong iba pang ang taas na ng mga pinag-aralan, sa ibang bansa pa nakapagtapos at matataas ang mga posisyon dito, nang dahil lang sa krisis na ito ay nawalan na ng mga trabaho. Pati na rin ang mga Pilipino o kahit sinong mga dayuhan sa bansa, na huminto na sa pag-aaral upang makapagtrabaho at makapagpadala ng pera sa mga naiwang pamilya sa kanilang mga sariling bansa, marahil mapilitan na lamang silang umuwi.

Kahit limang taon pa lamang ang paninirahan ko dito sa Islandiya, napamahal na rin sa akin ang bansang ito. Kahit hindi ko kailanman masasabing ito na ang bansa ko ngayon, hindi ko pa rin maipagkakaila ang kagandahan ng bansa na ito, hindi lamang sa kapaligiran at kalikasan, pati na rin sa mga taong nananahan dito. Tulad nga ng sinabi ko kanina, tila itong munting paraiso sa daigdig. Ang mga tao ay may mabubuting asal, bibihira lang makakita ng matapobreng tao, wala gaanong mga kriminal, at nalulungkot lang akong isipin na ganito ang nangyari sa bansa nila.

Pero nakakapamangha din naman na sa kabila ng mga nangyayari sa bansa nila ngayon, patuloy pa rin ang kanilang pagiging positibo, at makikitang mahal talaga nila ang bansa nila dahil handa silang magtulung-tulungang umahon mula dito sa krisis pangekonomiya na hinaharap nila ngayon. Sa kabila ng pagkakatanggal sa trabaho, heto pa rin sila at handang gumawa ng paraan. Kahit iyong iba ay gusto nang umalis dito, karamihan pa rin sa kanila ay handang iahon ito.

Mula sa pagiging isa sa pinakamayamang bansa sa mundo na sa halos isang linggo lang naging isa na uli sa mga pinakamahihirap, heto hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa. Inisip ko, hindi kaya ito dahil mga bata pa lamang natututo na silang maging independiyente at hindi pala-asa sa iba? O dahil likas na sa kanila ang mahalin ang bansa nila’t hindi tingalain ang iba?

Kahit ano pa man ang dahilan na iyon, sa tingin ko ay may mabuting aral tayong mga Pilipinong matutunan mula dito. Na kahit maging masaklap ang nangyayari sa buong bansa, walang mangyayari kung aasa tayo sa ibang bansa, nasa atin lamang kung gusto nating umahon sa kahirapan. At sa tingin ko ang pagmamahal sa ating bansa at pagtutulungan upang maisagawa ang dapat na gawin ay mga pangunahing sangkap upang maisakatuparan kung ano man ang minimithi ng buong bayan.

 

Posted by kasiyahan at 11:42 pm | permalink

Add a comment