Home » Post Item » Mumunting pagmumuni
"Hindi natin kailanman mahahanap ang katuturan nitong tila walang katuturang buhay hangga't hindi natin ito bibigyan ng katuturan."

Mumunting pagmumuni

September 30, 2008

Pag-ibig. Sabi nila, ito na ang pinakamahalagang bagay dito sa mundong ito. Sabi nila, kapag wala ito, hindi mo nilulubos ang pamumuhay sa mundong ito. Tunay nga naman iyon… kung alam mo at nararamdaman mo kung ano talaga iyon.

Tayong kabataan sa ika-dalawampu’t isang siglo, ano nga ba ang alam natin tungkol doon? Kapag may nararamdaman tayo sa isang tao na pakiramdam natin hindi pa natin nadama sa ibang tao noon, iyon na ba iyon? Kapag pakiramdam nating hindi na tayo mabubuhay sa mundong ito nang wala iyong kung sino mang natuunan natin ng pansin, iyon na ba iyon? Kapag tunay na nating nakalimutan ang ating mga sarili alang-alang lamang sa ating minamahal, iyon na ba iyon?

Sabi nila, mayroong nalalaang tao para sa lahat. Iyong tipong kumukumpleto sa kanila. Iyong tipong napupunan ang mga pagkukulang nila at napupunan naman nila ang pagkululang ng isa. Napakagandang isipin. Ang sarap isiping may isang tao ngang ganoon na tunay mong mamahalin at buong buhay na kayong magsasama, sa lungkot man o ligaya.

Pero tunay nga rin namang napakahirap hanapin ng taong iyon kaya natural, naghihintay ang mga tao hanggang sa hindi inaasahang sandaling makita na nila ito. May iba diyang tunay na mapapalad at nakita na nila ang mga ito at may iba rin namang hindi na talaga nakita at nabuhay na sa mundong pinili nilang hindi iniisip ang pagkakaroon ng tunay na minahamahal o di kaya nama’y nakulong na sa mga limitasyong inihandog sa kanila ng masaklap na katotohanan ng mundong pinamamahayan natin.

Pero kahit ano pa, kailangan lang siguro talaga nating tuklasin ang mundong ito. Kilalanin ang mga tao, kilalanin ang sarili nang sa ganoon kung tutugma ang mga himig ng kalagitan at nahulog sa tabi natin ang mga taong karapat-dapat sa atin, alam natin kung papaano sila haharapin, kung paano sila kikilitasin, at kung papaano sila mamahalin nang tama lang at nang hindi nalilimutan ang sarili nating kapakanan.

Ang tanong magiging handa ba tayo kahit kailan?

Siguro nga’t hindi natin masasabi kung handa na tayo pero dito naman sa mundong ito, hindi lahat ng bagay ay napaghahandaan, napagpaplanuhan, kungkaya’t determinasyon at ang bukal sa loob na pagnanasang maisagawa ang isang bagay ay sapat na upang magawa ang mga bagay na noon ay hindi pa natin nagagawa.

Posted by kasiyahan at 10:32 pm | permalink

Add a comment