Paglalakbay at Kasaysayan
July 20, 2010Tunay nga siguro akong mapalad at nabibigyan ako ng pagkakataong maglakbay. Maglakbay sa mga lugar na nasa panaginip lamang nararating mga nakararaming mga tao.
Nitong nakaraang mga linggo lamang ay nagpunta kami ng dalawa kong matatalik na kabigan sa Roma, punung-lungsod ng Italya. Roma, na dalawang libong taon nang nakalipas ay siyang pinakamalaking emperyo sa daigdig. Ang Roma. Napakasaya ng aming naging paglalakbay. Kasama rin namin ang aming mga kaibigan galing Norway, Austria, Sweden at Italya.
Nalibot namin ang sentro ng Roma kung nasaan ang pagkalaki-laking Coloseo, mga Arko, ang burol ng Palatine, at kung anu-ano pang makasaysayang mga gusali. Narating rin namin ang Vatican. Nakamamangha ang lungsod na ito. Kay lalim ng naging kasaysayan at ang dami rin naming mga natutunan mula sa aming mga paglilibot.
Nakalulungkot nga ring isipin na sa kabila ng pagiging malaking emperyo ng Roma noong panahon, ramdam na ramdam ko sa maikling pamamalagi dito na nawalan na ng kaluluwa ang mga nagtatayugang mga gusali nito. Nabubuhay na lamang sila sa ala-ala’t kasaysayan.
Hindi rin naman mawawala sa Italya ang pagkain..at sorbetes!! Pagkasarap-sarap! Ang init noong nandoon kami kaya’t maya’t maya ay sorbetes ang palamig namin! Ang pagkain, wala akong masabi! Malasang-malasa.
Pagkatapos naman ng Italya, ako ay nagpunta sa Sweden para bisitahin ang mga kaibigan ko doon.
Napakagandang lungsod ang Stockholm! Masaya ako´t pumunta ako dito sa magandang bansang ito. Malinis, payapa, masayahin at buhay ang mga tao. Mataas rin ang antas ng pamumuhay at teknolohiya sa bansang ito. Pakiramdam ko, dito magandang tapusin ang kurso ko sa kolehiyo. Na-inspire ako sa bansang itong pagbutihin pa ang pag-aaral ko nang may magawa naman akong mabuti para sa kapaligiran at kalikasan sa ngalan ng teknolohiyang alternatibo.
Tunay nga akong mapalad na nakapaglalakbay ng ganito. At sa pamamagitan nitong blogang ito, ipinamamahagi ko ang kasiyahan ko:)
Dito Muli
June 1, 2010Napatagal na rin magmula noong huli akong nagsulat dito. Marami talagang nagbabago. Hindi rin madali ang mabuhay dito sa Islandiya. ang daming nangyayari. Bagsak pa rin naman ang ekonomiya nila, pumutok pa ang bulkang ang pangalan ay hindi mabigkas nang maayos ng mga hindi taga-dito pero ayos pa rin naman ang buhay. Sa katunayan, mas lalo ko pang minahal ang bansang ito.
Sa simula ng aking ikatlong dekada sa mundo, naging masaya at nakakasabik naman ang buhay ko. Ito nga siguro ang panahon na may pagkanakakatakot dahil kung anong desisyon ang gagawin mo sa panahong ito, may malaking impluwensiya iyon sa magiging buhay mo sa hinaharap.
Maganda sana ang buhay kung walang pamimilit ang pamayanang makapagtapos ka ng pag-aaral. Nararamdaman ko na isang malaking balakid ang edukasyon sa lubusang pagkilala ng tao sa kanilang mga sarili. Masyadong nabubulang ang mga tao sa paniniwalang ang edukasyon ang siyang magdudulot ng magandang buhay, ngunit ang katotohanang naisasantabi ay para lamang ito na makapaghanapbuhay at kumita ng pera. Ramdam naman nating lahat na hindi nakasentro doon ang buhay ng tao.
Mas matamis siguro ang buhay kung gagawin talaga ng mga tao ang siyang isinisigaw ng mga puso nila at hindi na iniisip pa ang mapampilit na pag-alala kung may kakainin ka tatlong beses isang araw, at kung ano ang mga susuotin mo. Kung gusto mong kumanta at sumayaw, iyon lamang ang gawin mo at hindi na mag-aksaya pang magtrabaho para sa iba. Kung gusto mong gumuhit, ayon.Kung gusto mong magturo, ayon. Bakit ba kasi kailangang i-limita ng pera ang mga maaari mong gawin.
Bakit kayo masyadong nakakulong ang mga tao sa maluhong daigdig na ito? Sana wala na lang naging pamimilit ang pamayanang maging maganda, magkaroon ng palaging magagandang damit, magkaroon ng mataas na pinag-aralan, magkaroon ng limpak-limpak na salapi, magkaroon ng magandang bahay. Bakit kaya ganun?
Sana nagiging totoo ang mga tao. Sana bukas pag-iisip nila sa ano talaga ang gustong gawin ng mga puso’t isipan nila. Hindi palagi nababatay sa iniisip nilang iniisip ng iba. Maganda sana ang mundo.
Mga muni-muni ko lang naman iyon.
May tinatawag talagang totoong buhay kaya natural, hindi rin maiiwasan ang pag-iisip ng mga makamundong mga bagay na mga binanggit ko. Pero dapat lang na mas lalamang pa doon ang mga iniisip ng mga tao, ang mga mas importante pang mga bagay.
Alam mo na iyon, mahal kong mambabasa. Iyong mga bagay na mahahahalaga.
Bakit kaya?
November 14, 2009Bakit kaya nilalamig ako kahit mainit naman suot ko?
Bakit kaya ang dilim ngayon, maliwanag naman ang ilaw ng kuwarto ko?
Bakit kaya ang bilis ng takbo ng mga araw kahit ang bagal ng takbo ng mga pangyayari sa isip ko?
Bakit kaya pakiramdam ko mag-isa ako kahit ang dami ng taong nasa paligid ko?
Bakit kaya abala ang lahat ng mga tao sa kani-kanilang mga gawain at mahirap nang magkita-kita?
Bakit kaya ang dami nating hindi alam pati na rin ang mga alam nating hindi talaga natin alam?
Bakit kaya kailangang magsinungaling ng mga tao kahit alam nilang walang mararating ito?
Bakit kaya napakamakasarili ng mga tao kung mamamatay lang din naman tayo?
Bakit kaya kailangang sabayan ang mga batayan ng pamayanan kung may sarili naman tayong mga kagustuhan?
Bakit kaya kailangan pa nating masaktan para maramdaman kung ano ang kaligayahan?
Bakit kaya naghihirap ang mga mahihirap na tao at naghihirap rin ang hindi mga mahihirap?
At bakit kaya sa kabila ng lahat nabubuhay pa rin tayo, umaasa, at nagmamahal?
Tanong ko lang.
Hangarin
October 29, 2009Pangkaraniwang bagay na sa ating mga tao ang humangad ng kung anumang ninanais natin sa buhay. Maaaring makapagtapos ng pag-aaral, yumaman, mapagawa ang pamilya ng bahay, o di kaya nama’y makapagtayo ng sariling paaralan sa sariling bayan. Malimit nating dinarama ang mararamdaman natin sakaling mapasakatuparan ang mga hangarin natin sa buhay. At dahil sa ninanais nating sila’y mangyari, pilit nating ginagawa ang ating mga makakaya ngayon upang makamit ang mga iyon.
Iba’t ibang tao ang nandirito sa mundo, iba’t ibang klaseng hangarin at paraan upang sila’y magawa, ngunit para sa akin, mahahati lamang itong iba’t ibang uring ito sa dalawang kategorya: ang humangad para sa ikabubuti ng sarili nang hindi iniisip ang iba, kahit matapakan na sila o ang humangad para sa sarili rin AT sa ikabubuti ng iba. Dahil sarili lang talaga natin ang responsibilidad natin, ang pagtingin natin sa iba, kung anong maaaring epekto ang madudulot ng mga kilos natin sa kanila, ang siyang nagbubukod sa mga tao. At ito rin ay kusang pinipili natin, kung anong gusto nating gawin.
Dahil ikaw ay isang taong biniyayaan ng kakayahang mag-isip kung ano ang tama o maling gawi dito sa dalawang kategoryang ito, ikaw ang magpapasya. Isang maliit na punto ngunit napakahalaga ng pag-iisip nito at sa tingin ko ay dapat itong maging isa ring batayan sa mga mahahalagang pagpapasyang gagawin natin sa buhay natin.
Maligayang pamumuhay!:)
Kalayaan
March 6, 2009Isang pinakamatamis na bagay talaga ang pagiging malaya. Malaya kang gawin kahit ano mang naisin mong magawa, malaya kang isipin ang kahit anong sumagi sa iyong isip, malaya kang puntahan ang mga pook na ibig mong marating, malaya kang hangarin ang mga bagay na nais mong mangyari. Walang pipigil sa iyo, kundi ang sarili mong pag-iisip na siyang nagiging balakid sa mga bagay na kaya mo naman talagang gawin.
Iyon ang kalayaan.
Tayo ang siyang magpapasya kung ano ang nais nating mangyari sa mga buhay natin nang hindi inaalaala ang kahit anong sabihin ng iba, nang hindi iniisip ang mga limitasyong ipinupundar ng pag-iisip sa mga inaasahan ng iba, nang hindi nakukulong ang ating isipan sa mga bagay na nais ng lipunang paniwalaan natin na sa katotohanan ay siya lamang naglilimita sa mga bagay na maaari nating makamit.
Iyon ang kalayaan.
Malaya tayong pagtuunan ng pansin ang mga bagay na siyang nagbibigay ng tunay na saya sa ating mga damdamin, ang mabigyan ng pagkakataong mapalago ang mga ipinagkaloob sa ating mga kakayahan sa simula pa lamang, ang magpakita ng pagmamahal sa mga taong tunay nating minamahal nang hindi iniisip ang kung anumang kasalungatang mayroon ang lipunan tungkol dito.
Iyon ang kalayaan.
Kung magagawa at mauunawaan lang sana ito ng mga tao, tunay na tayong magiging malaya…
..sa tingin ko.
at malaya akong sabihin ang mga pananaw ko.
Pangarap
January 10, 2009Isang malaking turn-off nga naman sa isang tao kung wala siyang pangarap sa buhay. Kung nagpapadala lamang siya ng agos ng tubig, ng hangin, at ng mga nagtutulakang tao at wala siyang sariling kakayahan upang mangarap at magmuni-muni sa kung saan niya nais makarating sa buhay. Alam naman nating kadalasa’y hindi naisasakatuparan ang ating mga pangarap, pero maisasaisip nating maaaring may mangyari pang mas mabuti kaysa sa pinapangarap natin. Ngunit paano naman tayo makakarating sa punto ng pagkaranas ng mga mas mabubuting pangyayaring iyon kung wala tayong mga pangunahing pangarap na mag-uudyok sa ating pumunta sa landas ng butihing kapalarang iyon?
Ang pangarap ay isang mahalagang sandata sa digmaan ng buhay ng isang tao. Kumbaga sa paghahalintulad, maaari itong maihambing sa isang espadang magkabilaan ang talim. Siya ang layunin mong mangyari at gagawin at magagawa mo ang lahat ng sa tingin mo’y nararapat upang makuha mo ang iyong minimithi. At kapag naman napurol ang talim na iyon, dahil sa mga hindi maiiwasang tukso ng buhay, walang magawa ang makapangyarihan mong galamay, maaari pa ring magamit ang kabilang talim, pupuwedeng lumihis ka ng landas at may makikita ka pa ring tagumpay!
Ngunit dahil magkabilaan nga ang talim nito, maaari ring mag-udyok ito sa ikalulugmok mo. At iyon ay mangyayari lamang kung hahayaan mo ito. Nangarap ka nang nangarap at wala namang ginagawa tungkol dito o ang ginagawa mo’y sadya nga namang hindi sapat o di kaya’y hindi sapat ang pagnanais mong maisagawa ang mga pinapangarap mo, lalapit at lalapit sa iyo ang sarili mong sandata’t ikaw pa ang masusugatan ng matigas nitong tirang ang tawag ay panghihinayang.
At tulad din ng lahat ng sandata, isa ring posibilidad ang makapanakit ng kapwa kungkaya’t ingatan mo na ang mga pangarap mo’y hindi nakakapanira ng iba dahil ano pa ang tagumpay ng pagkakamit ng iyong mga pinapangarap kung may mga nasaktan ka naman sa prosesong iyon. Ito’y sandata sa digmaan mo laban sa mga mapanirang laman ng mundong ito sa sarili mo at hindi ito nararapat na gamitin para lamangan ang iba dahil may sarili rin silang mga digmaang nilalabanan.
Ngayon at nakahain ang sandatang ito para gamitin mo, bakit hindi mo pa ito gamitin, hindi ba’t katangahan na ang tumanggi sa ganitong grasya? At kapag hawak mo na ang sandatang iyan, kasama na rin sa babagtasin mo ang pag-unawa at pagtanto sa kung paano ito nararapat at wastong gamitin, sa ikaliligaya mo at ng mga tao sa paligid mo.
Taong Dalawang Libo’t Siyam
January 3, 2009Bagong taon nanaman at panibagong simula nanaman ng pagkahaba-habang taon. Halos lahat na siguro ng mga tao ngayo’y nilista na ang kanilang walang kamatayang mga resolusyon para sa bagong taon kahit iniisip din nila sa kailaliman ng kanilang pag-iisip na hindi rin naman ito maisasakatapuran pero kahit ganoon pa man, patuloy pa rin nila itong pinapangarap na gawin.
Hindi talaga ako ang taong nagpapadala sa agos ng mga nakararaming tao, pero ngayong taong ito, napag-isip ko rin na kahit papaano maglagay ng mga bagay na nararapat kong gawin para naman masaayos na ang buhay ko. Katulad ng nagagawa nitong bilis ng takbo ng panahon sa mga isip ng mga tao, napagtanto ko na tumatanda na ako’t kailangan ko nang pag-isipan kung saang direksyon nais kong patakbuhin itong buhay ko. Marahil ay dumadating naman siguro sa buhay ng lahat ng tao na matanto itong bagay na ito, pera na lang kung likas ka nang walang pakialam sa mundo at naniniwala pa rin sa pambatang pilosopiyang maikli lang ang buhay kungkaya’t magsaya’t magliwaliw ka sa abot ng iyong makakaya. Oo nga’t totoo iyan na maikli lang ang buhay at dapat pahalagahan ang bawat araw na naririto tayo sa mundo, pero kailangan din naman nating malaman kung saan tayo patungo. At sa tingin ko’y nandito na ako sa puntong kita ko na ang mga posibilidad, at nasa akin na lang kung anong tatahakin ko.
Iyon ang misyon ko para sa taong ito, ang simulan ang paglakad sa napili kong direksyon sa buhay. Hindi ko pa man masisiguro ang bawat detalye sa direksyong ito, may magiging balakid man at halong tamis din, may mga magkahalong tama at pait ang mararanasan, sa simula pa lang ay tagumpay na para sa akin iyon dahil alam ko na na ako ang pumili nito, at lakas ko iyon.
Maligayang paglalakbay sa inyong lahat ngayong taon na ito!
Buhay
November 6, 2008Malamang darating naman sa buhay ng nakararami ang paglabas sa mundo upang magtrabaho. Bakit nga rin naman ba tayo nag-aaral ngayon, hindi ba para na rin lang makapaghanapbuhay sa hinaharap.
Dito sa Islandiya, maagang nagsisimulang magtrabaho ang mga tao. Mga dalagita’t binatilyo pa lang, may trabaho na, kesyo mga kahero, mga naglilinis at nag-aayos ng mga hardin, naglilinis ng bahay, tumutulong sa mga matatanda o mga bata, basta mga gawaing hindi kinakailangan ng edukasyon pinapasukan na. Ako man, nag-umpisa akong magtrabaho nung labinglimang taong gulang pa lamang ako, at magmula noon, hindi na ako nawalan ng trabaho. Minsan nga dala-dalawa o tatlo-tatlo pa ang trabaho ko, at dumating pa ang panahon na apat trabaho ko. Ganoon ako kasipag!! haha…
Sa pamamagitan nitong pagtatrabaho, kahit mga bata pa tayo at hindi pa talaga nakapagtapos ng pag-aaral, mararamdaman natin ang pagiging independiyente mula sa ating mga magulang nang hindi na tayo umasa pa nang lubos sa kanila. At sa pamamagitan din nito, mas mauunawaan natin na hindi basta-basta ang buhay at kailangan nating kumayod at magpursige upang may makain na masasarap, may bagong damit na maisusuot at may mga luho na mabibili, at para na rin makapag-ipon para sa hinaharap.
Dahil sa pangkaraniwan na nga ang magkatrabaho dito sa Islandiya sa ganitong gulang, at hindi rin naman ganoon kahirap ang makakita ng hanapbuhay basta masipag at matiyaga ka lang, maganda nagiging buhay ng mga tao. Naging maganda rin ang buhay ko at ng pamilya ko kahit papaano.
Ngayon naman, at dinatnan ng malaking krisis ang ekonomiya dito sa Kanluran at sobrang natamaan itong mala paraisong bansang pinamamahayan ko ngayon, hindi ko mapilitang hindi makita ang pagbabago na nangyayari sa sambayanan. Ang mga tao, nabaon na sa mga utang na kahit magtrabaho pa sila buong buhay nila, hindi na nila iyon mababayaran. Mga kompanya dito, nagsisirahan na dahil nabaon na rin sa utang. Mga tindahan at kainan, hindi na kumikita dahil ano na lang ba ang ipambibili ng mga mamamayan? At siyempre dahil dito, marami nang tao ang nawawalan na ng trabaho dahil hindi na masusuportahan ng kompanyang pinagtatrabahuan nila ang kanilang mga tauhan.
Marahil hindi pa talaga nararamdaman ng lahat ng mga mamamayan ang mga pangyayaring ito sa personal na lebel. Oo. laganap na sa balita. pahayagan at sa kahit pang-araw-araw na pakikipagtalastasan itong mga ito, subalit hindi pa rin naman ganoon kadaling matanto ang mga ito kung hindi pa ito nangyayari sa iyo mismo, hindi ba?
Iyon ang sumampal sa akin ngayong araw na ito. Alam ko kung anong nangyayari sa paligid ko ngayon, pero noong natanggap ko ang tawag mula sa may-ari ng kainang pinagtatrabahuan ko kanina, natauhan ako. Wala akong kalasag mula sa krisis na ito. Tinanggal ako sa trabaho. Hindi naman sa tuluyan akong nawalan ng pagkatao dahil doon, cool lang ako, at sa katunayan, matagal ko na rin balak huminto doon dahil marami akong ginagawa sa iskul, iba pa rin ang tama kapag sinabihan kang tinatanggal ka na.
Sa akin lang, ayos lang ako, nag-aaral ako’t nakatira pa ako sa mga magulang ko, pero inisip ko ang ibang mga taong umaasa lamang sa hanapbuhay nila upang patuloy na mabuhay, ang hirap noon. At iyong iba pang ang taas na ng mga pinag-aralan, sa ibang bansa pa nakapagtapos at matataas ang mga posisyon dito, nang dahil lang sa krisis na ito ay nawalan na ng mga trabaho. Pati na rin ang mga Pilipino o kahit sinong mga dayuhan sa bansa, na huminto na sa pag-aaral upang makapagtrabaho at makapagpadala ng pera sa mga naiwang pamilya sa kanilang mga sariling bansa, marahil mapilitan na lamang silang umuwi.
Kahit limang taon pa lamang ang paninirahan ko dito sa Islandiya, napamahal na rin sa akin ang bansang ito. Kahit hindi ko kailanman masasabing ito na ang bansa ko ngayon, hindi ko pa rin maipagkakaila ang kagandahan ng bansa na ito, hindi lamang sa kapaligiran at kalikasan, pati na rin sa mga taong nananahan dito. Tulad nga ng sinabi ko kanina, tila itong munting paraiso sa daigdig. Ang mga tao ay may mabubuting asal, bibihira lang makakita ng matapobreng tao, wala gaanong mga kriminal, at nalulungkot lang akong isipin na ganito ang nangyari sa bansa nila.
Pero nakakapamangha din naman na sa kabila ng mga nangyayari sa bansa nila ngayon, patuloy pa rin ang kanilang pagiging positibo, at makikitang mahal talaga nila ang bansa nila dahil handa silang magtulung-tulungang umahon mula dito sa krisis pangekonomiya na hinaharap nila ngayon. Sa kabila ng pagkakatanggal sa trabaho, heto pa rin sila at handang gumawa ng paraan. Kahit iyong iba ay gusto nang umalis dito, karamihan pa rin sa kanila ay handang iahon ito.
Mula sa pagiging isa sa pinakamayamang bansa sa mundo na sa halos isang linggo lang naging isa na uli sa mga pinakamahihirap, heto hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa. Inisip ko, hindi kaya ito dahil mga bata pa lamang natututo na silang maging independiyente at hindi pala-asa sa iba? O dahil likas na sa kanila ang mahalin ang bansa nila’t hindi tingalain ang iba?
Kahit ano pa man ang dahilan na iyon, sa tingin ko ay may mabuting aral tayong mga Pilipinong matutunan mula dito. Na kahit maging masaklap ang nangyayari sa buong bansa, walang mangyayari kung aasa tayo sa ibang bansa, nasa atin lamang kung gusto nating umahon sa kahirapan. At sa tingin ko ang pagmamahal sa ating bansa at pagtutulungan upang maisagawa ang dapat na gawin ay mga pangunahing sangkap upang maisakatuparan kung ano man ang minimithi ng buong bayan.
Krisis sa Ekonomiya
October 17, 2008HIndi na bago itong paksang ito; nagkalat sa diyaryo, radyo, sa balita sa tv ang nangyayari sa ekonomiya ng buong mundo. Hindi na nakapagtatakang nangyayari ito dahil na rin sa napakarupok na sistema ng ekonomiya ng mga bansa, maging mayayaman man yan o hindi.
Dito sa Europa, ang pinakanatamaan ng krisis na ito ay ang bansang pinamamahayan ko ngayon, Islandiya. Animong mala-paraiso ang bansang ito, mataas ang antas ng pamumuhay ng mga tao, edukado ang nakararami, malinis ang paligid, halos narito na daw ang lahat, pero dahil sa katangahan ng pamamahala ng mga bangko at pati na rin sa pagpaparaya ng gobyerno, napaurong ng husto ang dating lumulusong na bansang ito.
Samu’t sari ang dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya dito, at dahil iba-iba at pagkagulo-gulo ng pagpapaliwanag ng mga kinauukulan tungkol sa krisis na ito, hindi na alam ng mga tao kung anong paniniwalaan. Nakakatakot isiping hindi masosolusyunan ng gobyerno ang problemang ito sa lalong madaling panahon dahil ang takbo ng buhay ng nakararami o di kaya’y lahat ay nakasalalay sa takbo ng mga bangko. Ang masaklap pa eh dahil walang likas na pinagkukunang yaman ang Islandiya maliban sa isda at aluminum, walang mabibiling pagkain ang nasyon na ito mula sa ibang bansa kung magpapatuloy ang krisis na ito.
Pero ang sabi naman ng mga opisyales ng gobyerno ay masosolusyunan ito at hindi kailangang mabahala ng mga tao, pero sa totoo lang kahit sila, wala ring ideya kung paano masosolusyunan ito kung hindi uutang o humingi ng tulong sa ibang bansa. Eh ang ibang mga bansa ay may hinaharap rin namang sariling krisis at kung may tutulong man, hindi mawawala ang mga “hidden agenda.” Ang mga bansa, sa totoo lang, parang napakamakasariling mga bata, wala nang inisip kundi sarili nilang kapakanan, at alam ko na sa krisis na ito, sari-sarilihan ang pakikipaglaban sa kahirapan.
Ang pangit talaga ng sistema nitong mundong ito kahit kailan. Bakit ba kasi kailangan pang gawing sobrang komplikado ang ekonomiya ng mga bansa? Bakit ba kasi kailangang maging ganito ang sistema ng pera? Hindi na natin alam kung anong ibig sabihin ng pera. Naging napakanormal na parte na ng buhay natin ito na nakalimutan na natin kung ano ba talaga ito, o hindi na sa atin pinaintindi kung ano ito. Tapos mabibigla na lang tayo kapag may ganitong krisis na nangyayari na hindi natin maunawa-unawaan kung ano ba talaga ang dahilan.
Kung tutuusin naman leksyon na rin ito sa mga nagyayamanang bansang biglang nasalanta ng krisis na matuto na’t hindi na masyadong maging mapagmahal sa mga makamundong bagay, sa pagpapayaman, sa pera, na hindi naman talaga dapat maging sentro ng mga buhay natin dito sa mundo.
Pagtanto
October 5, 2008Likas man tayong mga taong magkakaiba, maibubukod sa iba dahil sa ating angking kaespesyalan at kaibahan, hindi pa rin maipagkakaila ang ating pagkakatulad. Sa pinakasimpleng bagay na pagpapanganak sa mundong ito, hanggang sa ating paglaki, pare-pareho tayo.
Lahat tayo dumaan sa pagiging bata, wala naman sa ating pinanganak at alam na kung ano ang katotohanan ng mundong ito, ‘di ba? Lahat tayo dinaanan ang panahon ng pagiging inosente at walang kamuwang-muwang hanggang sa mapagtanto natin kung ano pala ang katotohanan na ating ginagalawan. Katotohanang ang kagandahan ay hindi maipagmamalaki, iyan ang gugulantang sa atin sa iglap na mabuksan na ang ating mga isipan.
Noong bata pa lamang tayo, maliit ang mundong ginagalawan natin. Ang buhay natin ay nakasentro lamang sa loob ng pamilya, sa paaralan, sa mga kalaro’t kaibigan, sa madistansiyang pangangarap ng ninanaais namaging sa hinaharap. Oo nga’t alam natin na mas malaki pa ang mundo kaysa sa mga pinag-uukulan natin ng buong atensyon noon ngunit dahil hindi nga natin iyon mas nabibigyang pansin, hindi rin natin ito masyadong iniisip. Hanggang sa magkaroon na nga tayo ng gulang at mas lumaki’t lumawak na ang nakikita natin, magugulantang na lang tayong isiping ganito pala talaga ang buhay.
Noong bata pa lang tayo, hindi nating maiwasang isiping tayo ang sentro ng mundo, na ang mga problema natin ay ang problema na ng mundo, wala tayong bukal sa loob na pagbigay-simpatiya sa problema ng ibang mga tao dahil masyado nating iniisip ang sarili lang natin. Siguro nga rin ay itong pag-iisip na ito ay hindi na mawawala sa ating mga tao dahil kung tutuusin, lahat na bagay na gawin natin may makasariling aspeto.
Pero kahit pa lahat ng ito ay may makasariling aspeto, likas na sa pagtanda natin ang pagkita at pagtangkilik, kahit hindi kadalasan, ng punto ng ibang mga tao at ng mga interaksyon nila kungkaya’t sa ganitong paraan mas nailalagay natin ang sarili nating mga buhay sa conteksto ng buhay sa mundong ito sa pangkalahatang salita. Kahit hindi ito kasing ganda ng mga ideya natin noong mga bata pa lamang tayo, tayo na rin ang makakapagtakda kung paano natin ito titingnan at bubuhayin. Tutal nasa atin lang din naman ang huling desisyon kung anong gusto nating mangyari sa buhay natin.
Mumunting pagmumuni
September 30, 2008Pag-ibig. Sabi nila, ito na ang pinakamahalagang bagay dito sa mundong ito. Sabi nila, kapag wala ito, hindi mo nilulubos ang pamumuhay sa mundong ito. Tunay nga naman iyon… kung alam mo at nararamdaman mo kung ano talaga iyon.
Tayong kabataan sa ika-dalawampu’t isang siglo, ano nga ba ang alam natin tungkol doon? Kapag may nararamdaman tayo sa isang tao na pakiramdam natin hindi pa natin nadama sa ibang tao noon, iyon na ba iyon? Kapag pakiramdam nating hindi na tayo mabubuhay sa mundong ito nang wala iyong kung sino mang natuunan natin ng pansin, iyon na ba iyon? Kapag tunay na nating nakalimutan ang ating mga sarili alang-alang lamang sa ating minamahal, iyon na ba iyon?
Sabi nila, mayroong nalalaang tao para sa lahat. Iyong tipong kumukumpleto sa kanila. Iyong tipong napupunan ang mga pagkukulang nila at napupunan naman nila ang pagkululang ng isa. Napakagandang isipin. Ang sarap isiping may isang tao ngang ganoon na tunay mong mamahalin at buong buhay na kayong magsasama, sa lungkot man o ligaya.
Pero tunay nga rin namang napakahirap hanapin ng taong iyon kaya natural, naghihintay ang mga tao hanggang sa hindi inaasahang sandaling makita na nila ito. May iba diyang tunay na mapapalad at nakita na nila ang mga ito at may iba rin namang hindi na talaga nakita at nabuhay na sa mundong pinili nilang hindi iniisip ang pagkakaroon ng tunay na minahamahal o di kaya nama’y nakulong na sa mga limitasyong inihandog sa kanila ng masaklap na katotohanan ng mundong pinamamahayan natin.
Pero kahit ano pa, kailangan lang siguro talaga nating tuklasin ang mundong ito. Kilalanin ang mga tao, kilalanin ang sarili nang sa ganoon kung tutugma ang mga himig ng kalagitan at nahulog sa tabi natin ang mga taong karapat-dapat sa atin, alam natin kung papaano sila haharapin, kung paano sila kikilitasin, at kung papaano sila mamahalin nang tama lang at nang hindi nalilimutan ang sarili nating kapakanan.
Ang tanong magiging handa ba tayo kahit kailan?
Siguro nga’t hindi natin masasabi kung handa na tayo pero dito naman sa mundong ito, hindi lahat ng bagay ay napaghahandaan, napagpaplanuhan, kungkaya’t determinasyon at ang bukal sa loob na pagnanasang maisagawa ang isang bagay ay sapat na upang magawa ang mga bagay na noon ay hindi pa natin nagagawa.
Kulay
September 28, 2008Sa isang iglap, maganda ang lahat,
Sa isang pikit din, kapangita’y matatanaw.
Kay bilis nga naman maglaho ng mga bagay,
Kay bilis nga namang magbago ng kulay ng buhay.
Mga kulay na pinaghalu-halo, pinagkumpul-kumpol, pinaghiwa-hiwalay.
Walang tiyak na layuning parikitin o palugmukin.
Ngunit ang diwa’y magkaroon ng iba’t ibang mga kulay
Upang magkaroon ng pag-asang gumanda kahit kadalasan rin nama’y hindi gumagana.
At sa pagkakaroon ng libu-libong pagkakataong pumalad o magdusang walang humpay,
Kamay mo na rin lang ang magsasabi kung tutugma ang iyong mga kulay.
Subalit dahil ang isipa’y hindi nahihimlay sa iyong mga galamay,
Na sa iyo na rin kung paano mo tatanggapin ang mga panunukso ng buhay
Na dulot rin naman ng iyong mga kamay.
Pilipinas
September 19, 2008Limang taon na rin ang nakalipas simula noong umalis ako sa bansa nating mga Pilipino upang lumipat at manirahan dito sa bansang Islandiya. Isa lamang ako sa mga libo-libo o milyun-milyong mga Pilipinong dumayo sa ibang bansa upang mapaganda ang tila paurong na buhay sa bayang sinilangan. Oo nga’t masasabi kong mas umuunlad ang mga pamumuhay ng halos lahat ng mga taong lumilipat sa ibang bansa pero hindi natin maipagkakailang parang may hindi pa rin tama sa paninirahan sa labas ng bansa.
Nakasisiguro akong maraming mga Pilipino ngayon ang inaasam-asam na makarating ng ibang bansa upang kumita ng pera, at nakasisiguro rin akong marami ring mga Pilipinong nasa ibang bansa na na ayaw nang bumalik pa at manirahan sa Pilipinas dahil nakita na nila kung gaano “kataas” ang pamumuhay sa ibang bansa. Ang masasabi ko lamang siguro sa mga taong pangarap na mangibang-bansa ay hindi kasing ganda ng ibang bansa ang mga nakabaon na mala-paraisong imahe sa mga utak natin tungkol doon. At ang mga masasabi ko naman sa mga taong ayaw nang bumalik sa Pilipinas maliban sa minsanang pagbisita ay kung saan kayo masaya, doon dapat kayo pero tanungin niyo muna ang sarili ninyo kung saan ba talaga kayo tunay na nagsasaya.
Nakakapangulila ang bayan natin kapag nasa ibang bansa ka. Hindi mo pa rin maiwasang isipin ang pagbalik, makita muli ang mga taong dati’y sa iyo’y nagbibigay-saya, makakain muli ng mga pagkaing pinoy, makapagsalita muli ng sarili mong wika, at maging isa sa mga nakararami, hindi nakabukod. Sa Pilipinas ang mga Pilipino tunay na nananahanan.
Ano nga ba ang nagpapalamang sa Pilipinas ng mga ibang bansa? Dahil naninirahan ako as Europa, ito ang aking magiging basehan sa pagkumpara. Ang pinakanakikita kong kaibahan lamang ay ang kalidad ng buhay. Magmula sa mga gamit teknolohikal hanggang sa mga paninda sa mga pamilihan pati na ang edukasyon at pamamalakad ng gobyerno, oo mas nakalalamang nga ang Kanluran. Siyempre mayroon din namang parte ng Pilipinas na pumaparis sa pamantayan ng Kanluran pero sa kabuuang salita sa Pilipinas, ito’y lagapak pa rin. Ito naman ang kauna-unahang batayan ng pagkukumpara ng mga bansa, hindi ba? Ngayon, ang tanong ko rin lang, ang kalidad din ba ng buhay ang batayan ng pagiging kuntento sa buhay? Sino ba ang nagdedesisyon kung ano ang mataas o mababang kalidad?
Lahat ng mga bagay dito sa makamundong mundong ito ay may mga mabubuti at masasamang aspeto: may mga nagpapasaya at nagbibigay rin ng mga problema. Gamitin natin ang ating pang-araw-araw na pananalita at sabihin nating mas “mataas” ang kalidad ng buhay sa Kanluran. Sa buhay na may mataas na kalidad, ang mga bagay na nagpapasaya sa buhay ng may “mas nakabababang kalidad” ay tila wala lamang at masasabing pang-araw-araw na katotohanan kungkaya’t hindi napagbibigyang-pansin. Kaya ang mga bagay na nagpapasaya sa kanila ay mas matataas at ang mga problema rin namang umaatake sa kanila ay mas matataas din. Sa mga tao namang namumuhay na may mas “mababang kalidad” ang mga nagpapasaya nga’y mas mababa kumpara sa nauna ngunit ang mga problema rin nama’y nasa parehong lebel din lamang. Kumbaga mayroong pagkakapantay-pantay rin naman.
Oo nga’t napakasimple itong pagkukumpara pero naipapakita rin lang nito na lahat sa atin, kahit nasaan man tayo naninirahan sa mundong ito, ay naapektuhan ng magaganda at masasamang bagay. At ang pagkakaroon ng mas “mataas na kalidad” ng buhay ay hindi sapat upang maging batayan ng pamantayan ng buhay. Nasa atin rin talaga kung paano natin haharapin ang mga problemang darating at kung paano natin tatangkilikin ang mga biyayang nakahain na sa harap natin.
Ang pagiging Pilipino at paninirahan sa Pilipinas ay isang bagay na hindi natin dapat ikahiya at nararapat pa ngang maipagmalaki samantalang ang paninirahan sa ibang bansa ay hindi isang bagay na dapat nating ilulong ang ating buong buhay upang magawa lamang.
Tangkilikin natin ang sariling atin, buksan natin ang ating mga mata nang makita natin ang bawat butil ng biyayang ibinibigay ng Pilipinas sa atin, bawat butil ng kasiyahan at pagmamahal, upang sa ganoon ay matutunan natin itong mahalin, habang patuloy pa rin ang paggalang natin sa ibang kultura nitong ating naturang daigdig.
Muni-muni ng isang binibini
September 13, 2008Sa wakas, nakatungtong na rin ako sa unibersidad. Tatlong linggo pa lang ako dito ay ramdam na ramdam ko na ang kaibahan nito at ng paaralang nakagasnan ko. Wala nang mga batang-isip na biruan, wala nang mga mukhang ewang hiyawan, wala nang nakakapangulilang tawanan. Lahat na ay seryoso sa pag-aaral at ang tila natatanging paraan ng pakikipagsosyalan ay palaging may halong kapormalan. Nakakapanibago talaga ang kapaligiran kapag nakatungtong na sa lebel ng edukasyon na ito.
Sa aking pagmumuni-muni tungkol sa katotohanang nandirito na ako na nakalantad na sa harapan ko, hindi ko maiwasang mabiglang darating at darating tayong mga tao sa punto ng buhay natin kung saan tayo na ang may hawak ng buhay natin, na nasa atin na ang desisyon kung anong daan ang tatahakin natin, may magsabi man diyang iba kung ano ang dapat nating gawin, nasa atin pa rin ang huling salita at tayo lang ang makakapagsabi kung anong gagawin natin. Kumbaga malaya na tayong magtagumpay o mabigo at tayo lang ang may dala ng sarili natin, responsibilidad na natin ang ating mga gagawin.
Nakakalula ang mga maaaring mangyari kapag naabot na ang puntong nakikita mo na ang mga posibilidad na hawak ng sarili mong mga kamay. Nakakabighani ang paniniwalang nalalapit nang makamtan ang mga noon pa ma’y naging mga pangarap na ngunit nakakalungkot din namang isipin na maaaring wala sa kanila ang mangyari. Napakasarap isipin na malaya na tayong gawin ang mga tunay nating ninanais na gawin subalit nakakapagpabagabag rin namang isiping ang kalayaang ito ang maaaring magdulot sa atin ng kapahamakan.
Sa madaling salita, itong panahong ito ay napupuno ng pag-asa at pagduda, ng walang hanggang kawalan ng kasiguruhan kahit pa iba-iba ang pag-iisip ng mga tao tungkol dito sa punto ng buhay na ito. Mayroon mang iba diyan na alam na alam talaga kung anong gagawin nila sa hinaharap, halimbawa maging isang duktor, magkakaroon at magkakaroon ng mga balakid na maaaring tumaliwas sa daanang ninanais na tahakin o di kaya’y magpalakas pa sa pagnanais na ituloy ang pagdaan sa ginugustong daanan. Mayroon din naman diyang iba na wala talagang alam kung anong daan ang gustong puntahan, at kailangan munang masubukan ang maraming daan bago mabuo ang isipang dumaan sa ano mang napusuang daan.
Magulo nga namang tunay ang puntong ito.
Ngunit kung tutuusin, wala naman talagang dapat ikatakot sa puntong ito. Wala namang maling daan. Iisa lang naman ang buhay natin kungkaya’t iisang daan lang naman ang tatahakin natin at hindi naman natin kailangang manghinayang sa mga daang hindi natin nadaanan o kailanma’y madadaanan. Ang mahalaga lamang talaga sa puntong ito ay ang maunawaang lubos ang tunay nating kagustuhan nang sa ganoon ay makamtan natin ang kaligayahan sa kahit anumang landas na pinili nating tahakin.
Itapon o itago?
August 27, 2008Isa na siguro ako sa milyun-milyong kabataan sa mundong ito na hindi mo malaman kung ano talaga ang gusto o ika nga, hindi makapagdesisyon-desisyon. Noong isang araw, dahil magpapasukan na rin at gusto kong maaliwalas ang kapaligiran nitong aking maliit na kuwarto, naglinis ako. Hindi lang ordinaryong paglilinis ito dahil dahil sa nagtapos na ako ng sekundaryang paaralan at patungo na ako sa unibersidad, ang dami kong dapat iligpit mula sa nakalipas na taon na kahit hindi naman ganoon kanais-nais ay tila napamahal na rin sa akin. At kasama na rin doon sa mga iniligpit ko na iyon na gamit ko noon sa eskuwela, ay napagpasyahan ko na ring iligpit ang mga damit at mga gamit na may kalumaan na, na sa isang yugto ng buhay ko ay naging mahalaga sa akin, ngunit dahil patuloy na dumadaloy ang buhay at mga bago ay dumadating, nawawala na rin ang kanilang dating.
Ayaw na ayaw ko ang magtapon ng mga bagay lalong-lalo na iyong mga iyon na alam kong magagamit pa, pero ang liit talaga ng kuwarto ko, hindi ko mapagkasya ang lahat, at isa pa, alam kong hindi ko na rin sila magagamit kaya wala rin. Naisipan ko na itago na lamang sila sa bodega. Noong nalinis ko na nga ang lahat at nailagay ko na sila sa mga supot at nang ilalagay ko na ang mga supot na iyon sa bodega, napansin ko na may iilang supot at kariton na pala akong nailagay sa bodega namin, mga mas luma ko pang mga gamit na itinago ko doon dahil ayaw ko rin silang itapon mga tatlong taon na rin ang nakakalipas. Totoo ngang may iilang bagay ako na kahit anong gawin ko ay hindi ko sila maitapon-tapon pagkat sila’y napakahalaga pero ang napansin ko, iyong mga tinago ko sa bodega tatlong taon na ang nakakalipas ay mga bagay na noon ma’y naging mahalaga sa aki’t wala akong balak itapon ay ngayo’y wala na talaga akong pakialam kung itapon man sila o hindi.
Napaisip ako. Ganoon na lang ba kadali iyon?
Kahit siguro sinong tao, may mga gamit silang pinapahalagahan. Mga gamit na napagsasaya sa kanila, nagpapaalala sa kanila ng mga sandaling masarap alalahanin at dahil ang mga gamit na iyon ay konektado sa mga alaalang iyon, ayaw nilang mawala ang mga gamit na iyon dahil ang mga alaala ay baka mawala. Pero sa paglipas ng panahon, ang ating koneksyon sa mga gamit na iyon ay unti-unting naglalaho kungkaya’t nagiging mas madali silang palayain. Tunay nga bang natatabangan ng panahon ang ating pagkakaugnay sa mga bagay, ang ating nararamdaman para sa kanila?
Sa init ng panahon, hindi natin mawari ang ating buhay ng wala ang mga iyon. Naging importante silang parte ng ating mumunting buhay. At dahil sa mga hindi maiiwasang pangyayari o dahil na rin sa tuloy-tuloy na takbo natin sa karera ng buhay, hindi natin maiiwasang lumayo sa mga yaong naging mahalaga sa atin. Kailangan nating pumunta sa mga pupuntahan natin at sila sa kanila. Masakit man sa umpisa, pero dahil dadahan-dahanin, itatago muna nang kumupas nang unti-unti ang mga alaala, dagdagan mo pa ng panahon na siyang magpapalabnaw nito, magiging handa ka na ring kumawalas sa takdang panahon.
Ibinigay ko itong kagamitang ito sa Red Cross.
Kahirapan ng Buhay
July 3, 2008Isa na siguro sa mga bagay na naranasan na nating lahat, maging sino ka man, nasa silangan man o kanluran, mayaman man o mahirap, matanda man o bata, ay ang paghihirap sa pangkalahatang salita, hindi lamang sa salapi. Lahat tayo nakaranas nang maghirap isa, dalawa, o maraming beses sa buhay natin. Mapalad ka na lang talaga kung hindi pa, o tunay mo nga lang talagang nasanay lokohin ang sarili mong pag-iisip, na hindi rin naman masama.
Bakit ko namang naisipang magsulat tungkol sa paghihirap? Marahil dahil na ito sa kalagayan ng daigdig natin ngayon. Grabe, hindi na talaga maganda ito, mga ekonomiya patuloy na bumabagsak, mga sakunang lubos sa pagkapus-palad, halaga ng gasolina at lahat na ng mga bilihan patuloy-tuloy ang pagtaas, mga taong naghihirap, gumagapang sa kahirapan ng buhay, taong may mga sakit, taong hindi makakain nang matino o makainom ng malinis na tubig, suliranin sa pamilya, sa pag-aaral, sa pag-ibig, sa pagkatao, sa katawan, lahat na! Ano na nga ba talaga ang nangyayari sa mundo?
Mahirap siguro talagang isipin at hakain kung gaano kahirap ang dinaranas ng nakararaming mga tao hangga’t hindi mo nasubukang tumayo sa kinatatayuan nila, lalong-lalo na kung pinagpala kang lumaki sa mabuting pamilya, pero hindi mo pa rin maitatanggi sa iyong isipan ang malubhang katayuan nitong mga taong ito.
Eh ang walang-katapusang tanong, tayo ba ang may kasalanan kaya’t ganito ang mga nangyayari sa buhay natin? Tayo ba ang nanghihikayat nitong mga negatibong sitwasyon papasok sa buhay natin? O tayo lang ba ang mga tangang walang ginawa kundi maghintay ng himala’t mabago nang bigla ang mga buhay natin sa halip na mag-isip kung paano maisasatuwid ang mga baluktot nating mga buhay at pagtiyagaan na gawin ito kahit na’t magiging matagal at mahirap?
Oo nga’t may mga bagay na hindi rin talaga nating maiiwasang mangyari sa atin, pero nasa atin lang kung paano natin haharapin itong mga hindi maiwasang mga bagay na ito. At kung paano natin gagawin ito nang hindi umaasa sa iba. Totoo, maganda ang pagtutulungan pero harapin naman natin ang katotohanan: ang mga tao nabubuhay lamang para sa sarili lamang, para umasenso, kailangan muna nating tulungan ang ating mga sarili, pagkatapos kung kaya natin, na talaga namang makakaya natin, matutulungan natin ang iba. Kasi naman, kung lahat ay naghihirap, eh paano naman makakapagtulungan, kahit man sabihin ng iba diyan na mas magiging madali ang mga bagay kung magtutulung-tulungan, eh ang mga tao nga, iniisip lang talaga niyan kung paano maiaahon ang mga SARILI nila muna, ayun ang unang-una nilang priyoridad, palaging iyon muna bago ang iba. Mayroon man diyang ibang makabayaning uunahin ang iba, pero iilan lang talaga ang mga iyon, at ang mangyayari, lulubog na lang sila sa kumunoy habang ang iba ay pilit silang ginagamit bilang patungan. Isang pangit na bagay ngunit iyan ang katotohanan.
Kaya mga tao, kung naghihirap man kayo, huwag nang ipaasa ang tulong sa iba, lahat ng tao nagdurusa, hindi lang ikaw! Sa buhay dito sa mundo, ang sarili mo lang ang hawak mo, ikaw may hawak ng kapalaran mo, at kung hindi ka magpupursige, ikaw rin ang malulugi. Ang mabuhay ay parang pagtakbo, hindi ka makakarating sa paroroonan mo hangga’t hindi mo gagamitin ang sarili mong mga paa upang tumakbo. May posibilidad mang may mag-aakay sayo, o may magtutulak sa iyo, pero na sa iyo na rin kung gagamitin mo ang oras mong maghintay para sa isang bagay na walang katiyakan, o talagang pipilitin mong tumayo at tumakbo sa kabila ng mga galos at hinagpi na naranasan, dinaranas at mararanasan mo.
Malayuang Relasyon
June 9, 2008Ngayong mismong oras na ito, sa ganap na alas 7.40 ng gabi, heto ako’t nakaupo sa harap ng itim na makinang nagsisilbing ugnay sa libo-libong, milyon-milyong katao dito sa mundong ibabaw. Mayroon akong isang oras na pahinga mula sa bago kong trabaho dito, at ninanais ko lamang namang kitilin ang pagkahaba-habang oras na iyon upang kahit papaano naman, mas dumali ang buhay ko.
Nitong mga nakalipas na araw, nasaisip ko ang posibilidad ng pagkakaroon ng malayuang relasyon. Noon pa man, skeptikal na ako dito sa bagay na ito. Paano ba naman, likas akong walang tiwala sa mga kalalakihan ng mundong ito. Marahil mayroon ngang mga lalaking mapagkakatiwalaan, hindi naman makitid kokote ko, pero tunay nga namang mahirap hanapin ang mga endangered subhumanspecies na iyon.
Siguro nga’t sa ganitong relasyon, ang pinakamahalagang kinakailangan, bukod sa pangunahing pagmamahalan, ay ang tiwala sa isa’t isa. Kung wala ang tiwala, ang relasyon ay mababalewala, mapasasawalang-bahala. Subalit upang mabuo ang tiwala na iyon, siguro nga’y kinakailangan ng mahabang panahon ng pagkakakilala ng isa’t isa. Kung wala ang mahabang panahon ng pagkakakilala, walang malakas na tiwalang mabubuo, walang tunay na pagmamahalan na madarama, walang relasyon na uubra…
Hindi ko na lang alam. Bakit ba kasi ako nakatira dito sa Islandia?…
Ewan ko ba…
Tadhana
June 5, 2008Grabe, ang tagal ko na palang hindi nakakapagsulat dito sa pinakamamahal kong bloga. Paano ba naman, ang daming nangyari noong buwan ng Mayo. Unang-una, ang aming huling pagsusulit. Labing-walo ang mga pagsusulit na kinuha ko at sa awa ng Diyos, natapos ko na namang lahat at okey rin naman ako sa kanila. Pangalawa, tinapos namin, ako nga lang halos lahat ang gumawa talaga eh, ang aming aklat ng buong klase o yearbook sa Ingles. Sa awa rin ng Diyos, natapos namin iyon at naibigay namin sa mga kaklase sa tamang oras. Sunod naman, ang aking araw ng Pagtatapos. Sa totoo lang, ayaw ko talagang maghanda kami, pero iyon, nagrenta mga magulang ko ng lugar para lang sa handaan at siyempre para naman hindi maboringan ang mga bisita, kinailangan naming gumawa ng maikling programa. Hay, mas ninerbiyos pa nga yata ako sa handaan na iyon kaysa sa mismong mga pagsusulit ko eh. Pero sa awa nga rin naman ng Diyos, naging maayos naman ang lahat at natutuwa ako’t ginawa nga namin iyon, kasi napakasaya talaga! Tapos pagkatapos naman ng lahat, pumunta kaming mga kaklase ko sa Dublin, punong-lungsod ng Irlandiya. Mga isang linggo kami doon, at masasabi ko sa inyo…SOBRANG SAYA! Iyon na nga yata ang pinakamasayang linggo na dinanas ko dito sa mundong ito. Ang dami naming nakita, at ang maganda pa noon, mga legal kami doon at kahit saang lugar pupuwede kaming pumasok at bumili rin ng alkohol…isang bagay na hindi pa namin magagawa dito sa Islandiya kung saan kailangan mahigit dalawampung taong gulang kami.
Grabe, ang saya talaga. Pero siguro nga’t sa bawat saya na daranasin natin ay may halong sakit at pagdududa. Maaaring iyon nga dapat na mangyari o isa lamang iyong tukso ng tadhana. Hindi ko pa alam. Pero ang alam ko eh tunay ako at mga kaibigan ko na nagsaya! Hindi ko talaga makakalimutan itong paglalakbay na ito…isa na siyang mahalagang bahagi ng munti kong buhay…
At ngayon naman na nagbalik na ako ng Islandiya, balik na naman ako sa katotohanan ng buhay. Kakasimula ko lang sa bago kong trabaho noong isang araw, at sa awa ng Diyos, kanais-nais naman siya. Ang dami kong gustong gawin ngayong bakasyon, ngayong panahon ng tag-init, kailangan kong magtrabaho nang husto para makapag-ipon ako nang makauwi na ng Pinas, maghanda para sa nalalapit na Konperensiya ng YFC sa Slovenia, maghanda para sa paghahandaaan para sa aking magiging hanapbuhay sa hinaharap, ayusin ang aking pag-iisip, magpinta!!, magbasa, magsaya, magmahal…
Ang dami…at kakayanin ko ‘to:)
Panitikan
April 24, 2008Buwisit na literatura! At sa pag-aakalang nauumpisahan ko nang magustuhan itong asignaturang ito, pero hindi! Na-agrabyado lang ako! Buwisit. Aba, puro kalokohan lang naman ang pag-analisa ng isang kapiranggut na tula ah! Ano bang idudulot nun? Tinuturuan lang naman nila kaming maging mga maputang mga kritiko! Bwisit. At inakala ko ba namang maganda itong asignatura na ito dahil tunay nga naman siyang kabaliktaran ng aking mga ibang kinahuhumalingang mga asignatura dahil wala talagang depinidong mga sagot dito, pupuwede kang sumagot nang bukal sa kalooban mo basta marunong ka lang magdepensa sa mga pinagsasasabi mo. At iyon naman ang ginawa, at ginagawa ko, hindi naman ako tanga, no! Pero hindi, ang gusto nila, ang sasagutin mo eh maihahahalintulad sa mga gusto nilang isagot mo!
Pero sa totoo lang, wala na akong pakialam, basta ginagawa ko gusto ko. Buhay ko naman ‘to. Bwisit. Para lang ba sa ano mga grado? Hay naku mas maganda pa panlasa ko diyan no! Bwisit. Hindi ko kailangan niyan. At lalong-lalo na sa Panitikan! Haha!
Buhay nga naman, parang ewan!
April 7, 2008Malay ko ba. Naiinis ako! Bakit ganito ang mundo? Ang gulo…
Napakahirap bang maging mabuti? Hindi ba posibleng mabuhay na lamang nang matino nang hindi na mamperwisyo ng iba? Mahirap bang hindi gumamit ng iba upang maging maligaya?
Magaling na mga tao! Napakagaling! Kung totoo man ang teorya ni Darwin na natural na seleksyon, tuluyan na nga sigurong nawawala sa mundo ang mga tunay na tao! Lahat na lang nag-aasal hayop at tuluyan nang nakalimutan kung papaano mag-asal tao dahil ang iniisip lang nila ay kung paano mabuhay sa mundo. Magaling, magaling! Palakpakan!
Ewan ko ba. Habang tumatagal, pababaw na ng pababaw ang tingin ko sa mga tao. Hindi naman lahat siyempre, pero kadalasan sa kanila, ganoon na nga ang nangyayari. O di kaya, palalim lang nang palalim ang sarili kong pananaw sa mundo. Aba malay ko ba, basta ang alam ko naiinis ako sa mga pinaggagagawa ng mga tao!
Maikli lang ang buhay kungkaya’t kailangan natin ‘tong gamitin nang husto. Puwet ko! Ang pagbuhay ba ng buhay nang husto ay katumbas ng paggamit ng ibang tao? Hindi ko lang alam sa mga ibang hayop, pero ginagamit din ba nila ang mga kapareho nilang mga hayop upang mabuhay? Sabihin niyo nga sa akin. Kung ginagamit man nila, totoo ngang nagiging asal-hayop na tayong mga tao. Kung hindi naman nila ginagamit, ano ‘to, mas masahol na tayong mga tao sa mga hayop? Malupit! Tigasing mga tao! Hindi lang nagiging hayop, nagiging mas masahol pa talaga sa kanila!
Hindi na rin ako masosorpresa kung mas masahol pa tayo sa mga hayop. Makikita mo naman sa kasaysayan. Nagdigmaan na ba ang mga hayop? Nagpatayan na ba sila nang malakihan? Nag-imbento na ba sila ng mga samu’t saring kagamitan sa ikasisira rin ng kanilang mga sarili? Sinira na ba nila ang kalikasan? Hindi! Hindi! Hindi! Mabuti pa ang mga hayop, nabubuhay ng mapayapa. Nagkakainan nga sila pero ganoon lang naman talaga sila. Nabubuhay pa rin sila nang matino at ayon sa batas ng kalikasan. Eh tayo? Patapon! Mga ugali natin dapat itinatapon sa butas na itim sa kalawakan! Hay naku!
Mas maitim pa nga mga budhi natin kaysa sa butas na itim sa kalawakan kung tutuusin! Nararapat pa ba tayong mabuhay?
Hay naku. Malay ko ba.



